NAGKASA ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking natagpuang balot ang katawan ng kutson at pinalibutan ng masking tape ang mukha, sa isang bangin sa Sitio Calumpit, Brgy. Macabud, sa bayan ng Rodriguez, lalawigan ng Rizal, nitong Sabado, 17 Oktubre.
Sa paglalarawan ng Rizal PPO, tinatayang nasa 30 hanggang 40 anyos ang edad ng suspek, may taas mula 5’2” hanggang 5’5”, kayumanggi at may itim na buhok.
Nadiskubre ang katawan dakong 3:50 ng hapon kamakalawa na balot na balot ng kutson na itinali gamit ang mga kable ng koryente at mga sintas ng sapatos.
Dagdag ng pulisya, balot ng masking tape ang mukha ng biktima at may marka ng pagsakal sa kaniyang leeg.
Nakasuot ng itim na shorts ang biktima at walang suot na pantaas; nakabalot rin ang kaniyang paa ng jersey na may nakasulat na ‘Hatulan’, habang isang jersey jacket ang nakatali sa ibabang bahagi ng kaniyang katawan; at nakita rin ang tattoo na nasakulat “XXXIVI” sa itaas na bahagi ng kaniyang kanang dibdib.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Rodriguez MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
