MA at PA
ni Rommel Placente
INANUNSIYO ni Boy Abunda na magkakasama uli sila ng kaibigang si Kris Aquino para sa two-part one-on-one interview niya sa actress-TV host na mapapanood sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sa nakaraang episode ng talk show noong October 21, ibinandera ng King of Talk na mapapanood na ang muling paghaharap nila ni Kris sa October 28 at 29.
Ito’y bilang bahagi ng week-long celebration ng 61st birthday ni Tito Boy. Ang iba pa niyang mga guest para sa selebrasyon ng kanyang kaarawan ay sina Alice Dixson, Ruffa Gutierrez, at Andrea Brillantes.
Nauna nang naglabas ng teaser ang GMA sa social media sa pamamagitan ng artcard na may dalawang trono na may nakasulat na “The King and Queen are Back.”
Naging palaisipan agad ito sa mga netizen, lalo na nang mapansin nila ang dalawang upuang magkaiba ang kulay at ang mga letrang “B” at “K” na naka-highlight sa salitang “BACK.”
Ang hula ng marami ay sina Kuya Boy at Kris ang mga ito pero hindi nga para sa bagong show.
Ayon pa kay Kuya Boy, marami silang napag-usapan ng Queen of All Media, kabilang na ang lagay ng kalusugan nito, mga plano sa pagbabalik-trabaho, at ang posibilidad na muli silang magsama sa isang proyekto.
Bukod sa health update at career plans, tiyak na aabangan din ng mga tagahanga ang mga rebelasyon ni Kris tungkol sa kanyang love life, pananaw sa politika, pati na ang tungkol sa mga anak na sina Joshua at Bimby.
“We also talked about many possibilities about what we can do together, abangan niyo.
“Ang mapapanood niyo ay ang Kris Aquino na na-miss nating lahat — ang Kris na masigla, puno ng buhay, walang itinatago, at napakatotoo,” sabi pa ni Kuya Boy.
“Kris and I are definitely back,” aniya pa.
