SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAKABIBILIB ang Ppop Group na Kittrix na isang taon pa lamang simula nang mabuo ni Ms. Maria Lourdes Meñez, may-ari ng Red Tiger Multimedia heto’t gumagawa na sila ng pangalan.
Nasaksihan namin kung paano sila pinagkaguluhan sa katatapos na 11th PPOP Music Awards, o mas kilalang bilang Philippine Popular Music Awards (PPMA), noong Linggo, October 18, sa Araneta Coliseum.
Ang Kittrix na ang pangalan nila ay inspired sa pusa o kitten, ay binubuo nina Leia, Joy, Aya, Sam, Jill, at John. Ipinagdiriwang din ng grupo ang kanilang unang anibersaryo noong Linggo kaya naman doble-doble ang kanilang kasiyahan lalo’t itinanghal silang Female Star of the Night sa katatapos na 11th PPop Music Awards.
Ang Ppop Music Awards isang platform na binuo para i-champion ang Filipino pop na nagsama-sama ang mga artist, creative professionals, industry partners, at passionate fandoms para ipagdiwang ang Filipino musical talent.
Ang awards night ay pinamahalaan ng NobleLife International,na nagdiriwang ng kanilang ika-20 anniversary, at co-presented ng DLM Eventive Singapore.
Ayon kay Jill, lider ng grupo, nag-umpisa sila bilang magkakaibigan at ang iba naman ay nagkita-kita nang mag-audition last year.
“We started po last year, October 18, and today is our anniversary, and we are here in Araneta Coliseum. We are blessed and sobrang grateful sa management and Tita Malou Vinzon sa pagbuo sa amin at pagbibigay chance sa amin na maipakita ang aming talent,” masayang wika ni Jill nang makapanayam namin sila sa 11th Ppop Music Awards.
“Sobrang grateful po kami sa management namin dahil talagang ginagawa nila ang lahat at talagang gusto nilang sumikat kami.
“Naghahanap siya ng maraming projects for us and sobrang confident niya sa amin na lagi niyang sinasabi sa amin na kaya namin. At dahil doon isang taon pa lang kami pero grabe ang milestone na nangyari sa amin,” sambit pa ng lider ng grupo.
Binanggit ng Kittrix ang mga award na natanggap nila. Nariyan ang Emerging PPop Girl Group, Rising PPop Girl Group, at MosLiv Emerging Girl Group of the Year sa 10th Nation Builders and Mosliv Awards noong April 22, 2026.
Marami na ring kantang pinasikat ang Kittrix. Ang debut single nila ay ang Ngiting Tagumpay gayundin ang Seen Mode Pero Kinikilig (SMPK), Rampadora, at Feel na Feel.
Ayon kay Kittrix Lea, “May kanta rin kami na collab namin with Sean Al, ang Ako’y Nandito Na (na inilabas lamang nila noong Oct. 16, 2026).”
Nang matanong namin kung anong kanta ang unang pumatok at talagang nakilala sila, ani Jill, “‘Seen Mode Pero Kinikilig’ po kasi very Gen Z sound po siya, very bubbly, very energetic and sumunod po roon ay ang Rampadora (na ipinarinig sa amin at nakatutuwa naman talaga ang kanilang awitin).”
Ang mga kanta nila ay komposisyon ng kanilang manager na si Aqua Rider.
Nominado ang Kittrix sa katatapos na 11th PPOP Music Awards sa Leader of the Year, Emerging Girl Group of the Year, at Fandom of the Year.
Ang SB19 at Bini naman ang iniidolo nila at wish nilang maka-collab.
Napagwagian ng Kittrix ang Female Star of the Night at anila ang pagtanggap ng award na ito ay nagdaragdag ng isa pang ‘di malilimutang kabanata sa kuwento nila. Habang ipinagdiriwang ng grupo ang unang taon, ang tagumpay na ito ay nagsisilbing panghihikayat na magpatuloy sa kanilang ginagawa para higit pang maibahagi ang kanilang husay sa pagkanta at pagsayaw sa industriya ng entertainment sa Pilipinas.
