IGINIIT ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) na nakasalalay sa pangangalaga sa yamang-dagat at mga sumusuportang ekosistema sa pangisdaan ang seguridad sa pagkain ng bansa, kasabay ng paggunita sa World Food Day, nitong 16 Oktubre at ilang araw bago ang ika-17 Kumperensiya ng mga Partido sa UN Convention on Biological Diversity (CBD COP17).
Ayon sa CEED, mahalagang pagkakataon ang nalalapit na komperensiya sa Armenia upang suriin ang pag-usad ng pandaigdigang layuning mapangalagaan ang hindi bababa sa 30 porsiyento ng mga lupain at karagatan sa mundo pagsapit ng 2030, na kilala bilang “30×30”.
Kabilang sa mga pangunahing pangako ng Filipinas ang pangangalaga sa Verde Island Passage (VIP), na kinikilalang sentro ng pambihirang pagkakaiba-iba ng mga species ng isdang-baybayin sa mundo. Gayunman, tatlong taon matapos ang mapaminsalang oil spill sa karagatan ng Mindoro noong 2023, nananatili ang mga pangamba sa kalagayan ng lugar.
Sa bagong pagsusuri ng CEED, batay sa mga pampublikong ulat tungkol sa rehabilitasyon at independiyenteng monitoring, lumampas sa itinakdang pamantayan sa langis at grasa ang mga antas na naitala sa lahat ng anim na marine protected area na sinuri noong 2026 sa mga baybaying bayan ng Pola at Pinamalayan sa Oriental Mindoro, kabilang ang lugar na pinakanaapektohan ng oil spill.
Bumaba rin ang lawak ng seagrass o damong-dagat sa tatlo sa apat na imino-monitor na lugar kompara sa mga naunang panahong nakapagtala ng pinakamataas na antas ng pagbangon nito.
Pinakamalaki ang naitalang pagbaba sa Puting Cacao, na umabot sa 99 porsiyento. Gayunman, nilinaw ng ulat na hindi pa tiyak kung ang nakitang langis at grasa ay direktang nagmula sa oil spill noong 2023.
Ipinakikita ng mga resulta ang patuloy na kahinaan sa pangangalaga sa karagatan at kakulangan sa pangmatagalang pagsubaybay sa kapaligiran.
“Sa malusog na ekosistema nagsisimula ang seguridad sa pagkain,” ayon kay Gerry Arances, executive director ng CEED. Aniya, kapag nanganganib ang karagatan dahil sa polusyon at mga gawaing industriyal, hindi lamang buhay-dagat ang naaapektohan kundi pati ang mga mangingisda, pamilya at pamayanang umaasa rito para sa pagkain at kabuhayan.
Tinatayang umabot sa ₱40.1 bilyon ang pinsala sa kapaligiran at ₱1.1 bilyon ang pagkalugi sa kabuhayan at iba pang gawaing pang-ekonomiya dulot ng oil spill. Naapektohan din ng pagbabawal sa pangingisda ang hindi bababa sa 24,698 mangingisda.
Ayon sa CEED, nananatiling hamon ang mga kakulangan sa rehabilitasyon, pagsubaybay sa polusyon at pagbabayad ng nararapat na danyos sa mga apektadong komunidad.
Nagbabala rin ang ulat na maaaring higit pang pahinain ng hindi sapat na rehabilitasyon ang kakayahan ng mga pamayanang baybayin na makabangon, lalo na sa harap ng banta ng El Niño na maaaring magdulot ng matinding presyur sa kapaligiran at kabuhayan.
Binigyang-diin ni Fr. Edwin Gariguez, lead convenor ng Protect Verde Island Passage (Protect VIP), na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng pagkain sa mga pamilihan. Kailangan din pangalagaan ang mga karagatan, ekosistema, at pamayanang pinagkukuhaan ng pagkain.
Aniya, hindi maihihiwalay ang pangangalaga sa biodiversity sa pag-iwas sa mga panganib na dulot ng fossil fuels, partikular sa mga sensitibong lugar na pinamamalagian ng likas na tubig.
Hinimok ng CEED ang pamahalaan na isalin sa kongkretong hakbang ang layuning 30×30, sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas, sapat na pondo at malinaw na pananagutan ng mga responsable sa pinsala sa kapaligiran.
Kabilang sa mga panukala nito ang pagkakaloob ng legal na proteksiyon sa Verde Island Passage sa ilalim ng Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act, pagtatatag ng koordinadong programa para sa monitoring at rehabilitasyon sa buong marine corridor, at pagtiyak ng makatarungang kompensasyon at makabuluhang partisipasyon ng mga komunidad sa mga desisyong nakaaapekto sa kanilang kabuhayan. (TEDDY BRUL, JR.)
