Sweet Lapus may paalala sa manonood ng True to Life: ‘Wag n’yo po akong i-judge 

John Sweet Lapus Puregold Teatro Panalo Festival True to Life

ni Allan Sancon

IKINATUWA at ikinagalak ng komedyante, aktor, at playwright na si John “Sweet” Lapus ang pagkakapili sa kanyang isinulat na stage play na True to Life bilang isa sa 12 finalists ng Puregold Teatro Panalo.

Hindi lamang ito isang malaking karangalan para kay John bilang manunulat, kundi isang mahalagang pagkakataon para maipakita sa mas maraming manonood ang kanyang malikhaing idea at kakaibang pananaw sa pagsusulat ng dulang pantanghalan. 

Bilang pagkilala sa kanyang obra, tumanggap siya ng P100,000 grant na makatutulong sa paglinang at pagsasakatuparan ng kanyang akda bilang isang ganap na produksiyon.

Sa kanyang speech nang tanggapin ang grant, hindi napigilan ni John ang magpatawa habang ipinahahayag ang pasasalamat sa mga taong nasa likod ng programa. 

“Sa mga tulad kong playwright na baliw, binigyan ninyo kami ng venue na ipakita ang aming kabaliwan,” nakangiting pahayag niya. 

Sa pamamagitan ng kanyang nakatutuwang speech, ipinakita ni John ang kanyang personalidad bilang isang artistang hindi natatakot maging kakaiba at mag-explore ng mga ideang maaaring hindi pangkaraniwan, ngunit may potensiyal na makapagbibigay-aliw at makapag-iiwan ng marka sa mga manonood.

May paalala rin si John sa mga manonood na makakapanood ng True to Life, lalo na sa mga posibleng nakakakilala sa kanya  o sa mga taong nakapaligid sa kanya, sa mga eksena ng kanyang isinulat na dula. 

“Sa mga makakapanood ng ‘True to Life,’ para na ninyong awa, huwag ninyo po akong i-judge. Opo, opo, may tendency na matakot sa akin ang makakapanood nito or hindi na ako kaibiganin, magsolian ng kandila. Pero ginawa ko ito dahil gusto ko lang mapasaya lahat ng manonood,” dagdag pa niya. 

Sa kanyang pahayag, kapansin-pansin ang pagiging palabiro ni John, na tila ba nagbabala na maaaring may mga eksenang magugulat, matatawa o makare-relate ang audience. 

Ngayon, mas lalo tuloy nakapupukaw ng interes kung anong klaseng kuwento at mga tagpo ang inihanda niya para sa True to Life. 

Hindi lamang ang obra ni John ang bibigyang-pansin sa Puregold Teatro Panalo. Kasama rin sa 12 finalists ang The Girl Scout Law ni Rhain Arabella Alcoriza, Trahedya ng Kamote ni Marjay S. Manalastas, The Boy Foretold By The Stars (One Act Play) ni Dolly Dulu, Nothing But Dreams ni Ricardo C. Novenario, at Youngstunna ni Jerom Andrei M. Canlas.

Ipinakikita ng magkakaibang pamagat na ito ang lawak ng imahinasyon at malikhaing pananaw ng mga Filipinong playwright na naglalayong maibahagi ang kanilang mga kuwento sa pamamagitan ng teatro.

Pasok din sa listahan ang Walang Maliit na Bagay ni Joshua Lim So; @Home, na isinulat nina Edralin Cabrera, Kathlyn Castillo, Michael Ian Lomongo, Marjorie Lorico, Maria Teresa Jamias, at J Victor Villareal; Ang Maayong Balita Sumala Kang Bibo Bautista ni Jude Thaddeus M. Gitamondoc; Baka mali ang Tamaraw ni Emmanuel Benbinuto Antonio; Manang-Mana Nga! ni Steven Hotchkiss; at The Fourth Wall Has Fallen ni Heber Justin P. O’Hara. 

Bawat isa sa mga dulang ito ay kumakatawan sa sari-saring boses, karanasan, at malikhaing idea na may potensiyal na magbigay ng bagong kulay sa lokal na teatro.

Sa pangunguna ng festival organizer na Wishbone Collective Inc. at ng Puregold, lahat ng 12 finalists ay makatatanggap ng komprehensibong development at production support upang maisalin ang kanilang mga konsepto mula sa pahina tungo sa ganap na pagtatanghal sa entablado.

Mahalaga ang ganitong suporta sa mga playwright dahil hindi lamang pagkilala sa kanilang talento ang naibibigay ng programa, kundi pagkakataon ding mas mapahusay ang kanilang mga akda sa pamamagitan ng proseso ng pagde-develop at pagsasa-produksiyon.

Para kay Sweet at iba pang finalists, isa itong pagkakataong maipakita na ang pagsusulat ng dula ay hindi lamang tungkol sa paglikha ng kuwento, kundi sa pagbibigay-buhay sa mga karakter at ideang maaaring makapagpatawa, makapagpa-isip at makapagpakilos ng damdamin ng audience.

Abangan ang True to Life ni Sweet at ang iba pang natatanging obra ng mga finalist sa Puregold Teatro Panalo, na nakatakdang itanghal mula Pebrero 20 hanggang Marso 14, 2027.

Tiyak na magiging kapana-panabik na pagkakataon ito para sa mga mahihilig sa teatro na masaksihan ang mga bagong kuwentong likha ng mga Filipinong manunulat. 

Sa pagkakapili sa kanyang obra, patuloy na pinatutunayan ni John na bukod sa pagpapatawa sa telebisyon at pelikula, may sarili rin siyang malikhaing boses na maibabahagi sa entablado. 

At kung pagbabatayan ang kanyang nakatutuwang babala tungkol sa True to Life, mukhang may mga eksenang dapat abangan—pero huwag daw siyang i-judge pagkatapos manood.

—30–