Chalk to Chat with Dr. Art  hatid ang nakaaaliw at  inspirasyong talakayan

Dr Arthur Cruzada Chalk to Chat

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

LIKAS ang pagiging matulungin ng nakilala naming educator, manager, businessman na si Dr Arthur Cruzada. Madalang man namin siyang makita at makausap, nasusubaybayan naman namin ang mga aktibidades na ginagawa niya.

“Hindi talaga para sa akin ang salon, restaurant business,” bungad nitong tsika sa amin nang imbitahan kami sa announcement ng kanyang educational show sa Euro TV gayundin ng pagtulong niya sa Mister Earth Philippines 2026.

Maraming negosyo si Dr Art noon kasama na ang salon, restaurant at iba pa. Subalit tulad ng nasabi niya sa muling pagkikita namin, hindi niya itinuloy ang iba at tinutukan na lamang ang pagiging educator.

May eskuwelahang pinatatakbo si Dr Art, ang Le Premier Montessori Schol Inc., sa Kawit, Cavite. Si Dr. Art ang CEO/Founder nito nag-o-offer ng mula Pre-Kinder hanggang Middle School (Grades 7-8). Nariyan din ang kanyang Le Premier Language International Inc.na isang premiere language education institution na itinayo noong 2011 sa Dasmarinas, Cavite. Nag-umpisa bilang isang local language center hanggang sa naging respected international learning institution na nag-o-offer ng high-quality language programs sa mga students from around the world.

Sabi nga ni Dr. Art nasa edukasyon talaga ang kanyang puso at ito ang nagpapasaya sa kanya. Kaya hindi na kami nagtaka nang magkaroon siya ng isang educational TV show sa Euro TV, ang Chalk to Chat with Dr. Art na mapapanood simula October 22, 2026 o tuwing Huwebes, 11:00 a.m.-12:00 n.n.. at mula sa direksiyon ni Direk Ace Rocha Molino.

Nakatutuwang malaman na mayroong isang uri ng palabas sa TV na mapapanood sa EURO TV na educational, nakapagpapaliwanag, nakai-inspire, at nakaaaliw. 

Sabi nga, ito ay inaasahang maging mahalagang bahagi ng lingguhang panonood ng mga mag-aaral, guro, magulang, at iba pang indibidwal na gustong matuto at magkaroon ng mas malawak na pananaw sa iba’t ibang paksa. 

Ang programa ay magbibigay-diin sa kahalagahan ng edukasyon bilang pundasyon para sa personal na pag-unlad at mas magandang kinabukasan. Kaya kami man ay na-excite sa show na ito na sa titulo pa lamang ay nakaaaliw na.

Sa pamamagitan ng talakayan, pagbabahagi ng kaalaman, at mga paksang nauugnay sa pang-araw-araw na buhay. Layunin ng show na gawin itong mas kawili-wili, madaling maunawaan, at kapaki-pakinabang.

Sabi nga ni Dr. Art, hindi lang ito isang talk show na mapapanood sa social media, isa rin itong plataporma para sa pagbabahagi ng mga idea, pagpapalawak ng kaalaman at pagbibigay inspirasyon sa mga taong patuloy na nagsusumikap na matuto at makamit ang kanilang mga pangarap. 

Sa panahong mabilis na nagbabago ang pagbabago sa lipunan, mahalagang magkaroon ng mga programang naghahatid ng impormasyon at humihikayat sa mga manonood na mag-isip, magtanong, at patuloy na matuto.

Kaugnay ng temang “For every chalk sketch, a dream is created,” ang, Chalk to Chat with Dr. Art ay nagpapaalala sa atin na ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa sulat-kamay na mga aralin o kaalaman na natutunan sa loob ng silid-aralan.

Tungkol din ito sa paghubog ng pagkatao, pagkakaroon ng tamang pananaw, at pagbubukas ng mga pagkakataon para sa mas magandang kinabukasan. 

Ang show na ito ay ginawa para sa mga educator, students, guro, principal, school owner, entrepreneurs, business professionals, at artists na nagdudulot ng mga nauugnay na pag-uusap, nagbibigay-inspirasyon sa mga bisita, praktikal na insight, at mga kuwentong makapagtuturo, makapag-uudyok, at makapagbibigay ng kapangyarihan.

Bukod sa mga boss sa Euro TV, nagpapasalamat din si Dr. Art sa kanyang direktor. “To my writer-director, Direk Ace, thank you for your dedication, hard work and for being part of this beautiful journey. You are not only my director but also a dear sister to me. I am blessed to have you by my side.” 

Sa pilot episode ng Chalk to Chat with Dr Art, dalawang guro ang magiging special guest nila at ka-talakayan. Isang guro ang mula sa Maynila at isa ay mula sa Batangas.

Kasamang humarap sa naganap na mediacon/launching sina King Reyes at Fhadzmar Arabani ng Man of the Planet Philippines at Mister Earth Ph 2026 gayundin si Mr. Allan Navoa at Them Araneta.