60-anyos senior citizen halinhinang ginahasa anak at apo, arestado

PNP CIDG

ISANG 60-anyos senior citizen ang inireklamo ng paulit-ulit na panggagahasa sa kanyang sariling anak at apo sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kabilang sa mga kasong kinahaharap ng 60-anyos suspek ang Rape, Rape by Sexual Assault, Qualified Statutory Rape, Acts of Lasciviousness, at paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Dahil sa bigat ng mga kaso, walang inirekomendang piyansa sa suspek para sa mga kasong Rape at Qualified Statutory Rape.

Napag-alaman sa ulat, umabot nang 11 taon ang pang-aabuso ng suspek sa kanyang anak na babae, na nagsimula noong 10 taong gulang pa lamang ang biktima at nagpatuloy hanggang Mayo 2026.

Inakusahan din ang suspek ng panggagahasa at seksuwal na pang-aabuso sa kanyang apo, na 11 taong gulang umano nang magsimula ang mga insidente noong 2022 hanggang 2025.

Dahil sa mga sinasabing pagbabanta ng suspek na huwag magsasabi sa sinuman sa ginagawang pang-aabuso ay nanatiling lihim sa mahabang panahon ang sinapit ng dalawang biktima.

Gayunman, matapos ang huling insidente noong Mayo 2026 nang hindi na nakayanan ng anak ang trauma nagsumbong siya sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Agad sinundo ng nakatatandang kapatid ang dalawang biktima mula sa Nueva Ecija at dinala sa Women and Children Complaints Unit (WCCU) ng CIDG sa Camp Crame upang humingi ng tulong.

Noong 3 Hunyo 2026, naghain ang CIDG-WCCU ng mga reklamong kriminal sa Tanggapan ng Piskal sa Cabanatuan City at naglabas ang korte ng 11 warrant of arrest laban sa suspek noong 7 Oktubre.

Nadakip ang lalaki sa isinagawang manhunt operation ng CIDG-WCCU at CIDG Nueva Ecija Provincial Field Unit sa Cabanatuan City. (MICKA BAUTISTA)