Chinese national na konektado sa Pampanga, Tarlac POGO hub nasakote sa Parañaque City

Police Arrest

ni MICKA BAUTISTA

ISANG high profile na hinese national, sinabing wanted sa kasong Qualified Human Trafficking kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Porac, Pampanga at Tarlac ang naaresto ng mga awtoridad sa Parañaque City.

Nasakote ng mga awtoridad sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region Field Unit (CIDG-NCRFU), katuwang ang mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine Army – Military Intelligence Group, at ng mga lokal na yunit ng pulisya, ang isang alyas Huang sa labas ng kanyang tirahan sa Barangay Tambo, Parañaque City nitong Biyernes, 9 Oktubre.

Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ang dayuhang si Huang at walang inirekomendang piyansa para sa kasong Qualified Trafficking in Persons (Paglabag sa Section 4 (l) kaugnay ng Section 6 (c) ng Republic Act No. 9208, na may susog), na inisyu ng Regional Trial Court Branch 118 ng Angeles City, Pampanga noong 8 Mayo 2025.

Batay sa mga ulat na isinumite kay CIDG Director, Major General Robert Morico II, si alyas Huang ay pang-apat sa 51 indibiduwal na sinampahan ng kasong human trafficking na may kaugnayan sa ilegal na operasyon ng Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.

Ang suspek ay sinasabing isa sa pangunahing tagapagpadaloy at tagasuporta ng logistics, na nag-uugnay sa mga operasyon sa pagitan ng mga ilegal na sentro ng dating mayor ng Bamban na si Alice Guo sa Tarlac, at ng napakalaking ilegal na pasilidad ng POGO sa Porac.

Sinabi ng CIDG na ang warrant of arrest ay nag-ugat sa reklamong isinampa ng CIDG Anti-Organized Crime Unit (AOCU) laban sa 51 kaugnay na kasong qualified trafficking in persons noong 7 Hunyo 2024 sa Lucky South 99 Outsourcing Inc., na matatagpuan sa Grand Palazzo Royals, Fil-Am Friendship Hi-way, Barangay Cutcut, Angeles City, Pampanga.

Noong 22 Mayo 2025, naaresto ng CIDG Regional Field Unit 3 – Special Operations Team, CIDG Pampanga Provincial Field Unit, at ng Mabalacat City Police Station ang isang ‘alyas Marlon’ sa Barangay Tabun, Mabalacat City, Pampanga.

Si ‘alyas Marlon’ ang operation officer ng security agency na nag-o-operate nang mangyari ang kasong qualified trafficking in persons sa sentro ng Lucky South 99 Outsourcing Inc.

Noong 29 Mayo 2025, inaresto ng CIDG Anti-Organized Crime Unit (CIDG AOCU) ang isang ‘alyas Mariano’ sa Clark, Pampanga.

Si ‘alyas Mariano’ ay isa sa mga security guard noon sa insidente ng sinasabing qualified trafficking in persons.

Noong 29 Disyembre 2025, dakong 11:30 ng umaga, inaresto ng CIDG National Capital Region Field Unit; CIDG Quezon City District Field Unit; at CIDG Regional Field Unit 3; Bureau of Immigration; NICA 3, at Police Regional Office 3 ang isa pang kapwa akusado na si ‘Boss Terry’, isa sa mga administrative officer ng Lucky South 99, at pinaghihinalaang in-charge sa pagpapahirap sa mga empleyado ng Chinese POGO.