Sunog sumiklab sa firing range sa Quezon City

Fire

ISANG firing range sa Quezon City ang nasunog nitong Martes ng umaga.

Nabatid sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 7:31 ng umaga nang magsimula ang sunog sa isang gusaling may dalawang palapag sa E. Rodriguez Sr., Ave., sa Barangay Immaculate Conception sa lungsod.

Sinabi ng mga arson investigator, agad itinaas sa unang alarma ang sunog matapos maapektohan  ang stockroom ng firing range.

Sa ulat, naging pahirapan para sa mga bombero ang pag-apula ng apoy dahil sa makapal na usok sa loob ng gusali kaya gumamit pa sila ng mga breathing apparatus upang makapasok sa lugar.

Ilang oras ang lumipas bago naapula ang apoy dakong 12:25 ng tanghali. Walang iniulat na nasawi o nasugatan sa insidente.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbentaryo ang mga imbestigador upang matukoy ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog.