TARLAC — Hindi lamang kompetisyon kundi isang hakbang para makahanap at malinang ang susunod na henerasyon ng mga golfer ang PSC Chairman’s Cup na gaganapin sa Oktubre 9 sa Luisita Golf and Country Club.
Pinangunahan ng Philippine Sports Commission (PSC) at National Golf Association of the Philippines (NGAP) ang torneo bilang suporta sa Fairway to the Future, isang grassroots program na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga batang Pilipinong may potensiyal sa golf.
Mahigit 100 manlalaro mula sa mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor at media ang inaasahang sasabak sa torneo na magsisimula sa 8 a.m., habang ang registration ay bubuksan ganap na 6 a.m.
Isinulong ni PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio ang Fairway to the Future upang palawakin ang suporta sa grassroots sports, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit pang paigtingin ang mga programang nakatuon sa kabataan.
Sa ilalim ng programa, layunin ng PSC na magbigay ng libreng golf lessons at access sa training facilities sa mga batang 18 taong gulang pababa, partikular ang mga kapos sa oportunidad at mga mula sa mga komunidad sa labas ng mga pangunahing sentro.
Kabilang sa bibigyang-pansin ang mga anak ng caddie, greenskeeper at golf club employees, mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, out-of-school youth at mga batang golfer mula sa mga lalawigan.
Naniniwala si Gregorio na hindi lamang sa mga kilalang golf clubs matatagpuan ang potensiyal na manlalaro.
“We believe golf talents can be found all over the country, and through this program, we might discover a diamond in the rough who can become a champion,” pahayag ni Gregorio.
Gagamit ang Chairman’s Cup ng four-person scramble format, kung saan pipiliin ng bawat koponan ang pinakamagandang tira bago ipagpatuloy ng lahat ng miyembro ang laro mula sa napiling posisyon.
Gagamitin ang Molave scoring system, kung saan anim na puntos ang albatross, lima ang eagle, apat ang birdie, tatlo ang par, dalawa ang bogey at isa ang double bogey. Walang puntos para sa triple bogey o mas mataas pa rito.
Pagkatapos ng 18 hole, ang koponang may pinakamaraming puntos ang tatanghaling kampeon.
Sa Juniors Division, pararangalan ang champion, first runner-up at second runner-up. May hiwalay ding champion at first runner-up sa Government Partners, Private Partners, Media at PSC–POC divisions.
May nakalaan ding special awards para sa Most Accurate Drive at Longest Drive sa Hole 1, gayundin sa Nearest to the Pin at Hole-in-One sa Hole 13.
Hindi nagtatapos sa torneo ang programa ng PSC at NGAP. Nakapaloob sa Fairway to the Future ang pagtatayo ng community- at school-based instruction, standardized coaching, regional training centers at isang malinaw na competition pathway para sa mga batang golfer.
Sa iminungkahing programa, magkakaroon din ng mga itinalagang practice area na maaaring gamitin nang libre ng mga kalahok na pasilidad, habang maaaring alisin ang green fees para sa mga rehistradong junior golfers sa itinakdang oras.
“We intend to expand our partnerships as we continue the program. Hopefully, more stakeholders will join us in providing opportunities for our children,” dagdag ni Gregorio.
Katuwang ng PSC at NGAP sa nationwide development program ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Bases Conversion and Development Authority, Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense.
Sinusuportahan ang Chairman’s Cup ng major sponsors na Smart, John Hay Golf at Malbon Golf, habang kabilang sa minor sponsors ang Asia Brewery, Pocari Sweat, Milo, Patton Studio, Bluebird Golf at Philippine Airlines.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga organizer sa Philippine Golf Resort Reservations sa suporta sa programa. (PSC/HNT)
