NABISTO ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang 4,140 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng P20.7 milyon sa isang shipment mula Amsterdam, The Netherlands na nakatakdang ihatid sa Valenzuela City.
Naging kuwestiyonable ang kargamento nang makitaan ng kahina-hinalang imahen sa X-ray.
Idineklarang “compact ceramic fan” ang shipment, ngunit sa physical examination ay natuklasan ang pitong plastic bag na naglalaman ng puting crystalline substance.
Lumitaw ang “Special K” reading sa unang pagsusuri gamit ang spectrometer, indikasyon na posibleng ketamine. Ipinasa sa PDEA ang mga sample para sa laboratory analysis at confirmatory testing.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
