NADAKIP ng mga awtoridad ang isang 34-anyos lalaking kabilang sa ‘riding in convoy’ na nagholdap sa isang babaeng nag-aabang ng jeep sa Quezon City, nitong Lunes, 5 Oktubre.
Nabatid na nasa kanto ng Elliptical Road at Visayas Avenue, sa Barangay Vasra ang biktima dakong 4:15 ng madaling araw kamakalawa, nang huminto ang tatlong motorsiklo sa harap niya.
Tinutukan ng baril ng angkas ng isa sa mga motorsiklo, nakasuot ng asul na uniporme ng JoyRide, ang biktima at tinangay ang kaniyang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng P15,000, at gintong relong nagkakahalaga ng P8,000.
Agad iniulat ng biktima ang insidente sa Project 6 Police Station (PS 15) dakong 6:00 ng umaga at kinilala ang suspek na isang alyas Ron mula sa mga ipinakitang mugshot sa kaniya.
Matapos tukuyin ang suspek, naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Quezon City PS 15 katuwang ang Manila Police District dakong 2:50 ng hapon ng parehong araw.
Nakita sa tala ng pulisya na mayroong mga naunang kaso ang suspek ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong Hunyo 2018 at Setyembre 2023.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery na isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Kaugnay nito, pinag-iingat ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat at mapagmatyag ngayong panahon ng BER months.
