RATED R
ni Rommel Gonzales
KAPAG natuloy ang isang proyektong pelikula na pagsasamahan nina Juan Carlos Atayde (na mas kilala bilang Congressman Arjo Atayde ng 1st District ng Quezon City) at Juan Karlos (na dating kilala bilang JK Labajo na singer at actor) ay tiyak na pasabog ito pagdating sa aktingan.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na mahusay na artista si Cong. Arjo, patunay na ang maraming acting awards here and abroad na napanalunan niya.
At si Juan Karlos naman, kahit hindi pa katagalang umaarte sa harap ng kamera ay pinatunayan na ang kanyang husay, tulad na lamang ng pagwawagi niya bilang Best Actor para sa pelikulang Mono No Aware sa katatapos na 3rd Puregold CinePanalo Film Festival (Congrats again, Chris Cahilig!).
Sa nabanggit na pelikula nga ay kapansin-pansin sa mga heavy drama scene na ang akting ni Juan Karlos reminds us of Cong. Arjo.
Hindi naman kataka-taka kung idolohin ni JK si Cong. Arjo, ‘di ba?
At dahil ang aktres na si Sylvia Sanchez ay producer ng Nathan Studios, Inc., binanggit namin sa kanya na bakit hindi siya mag-produce ng isang pelikula na sina Cong. Arjo at Juan Karlos ang mga bida?
Tutal, anak ni Sylvia si Cong. Arjo at si Juan Karlos ay malapit sa mag-asawang Sylvia at Art Atayde, kaya nararapat lamang na siya ang mag-prodyus ng ganito kabigat na proyekto.
Ngiti lamang ang isinagot sa amin ni Sylvia.
Ano ang masasabi mo, my dear HATAW editor and kumareng Maricris Valdez? (Pwedeng–pwede, magandang proyekto ito kapag natuloy–ED)
