MA at PA
ni Rommel Placente
HANGGANG ngayon ay mainit pa ring pinag-uusapan ang pakikipagbardagulan ni Dennis Trillo kay Patrick Garcia.
Ito’y dahil na rin sa mga rebelasyon ni Patrick hinggil sa past relationship nila ni Jennylyn Mercado na igiit niyang hindi inabandona at pinabayaan ang aktres noong buntis ito sa anak nilang si Alex Jazz.
Sa isang panayam kay Dennis, sinabi niya na naniniwala siya na deserve ng lahat na mabigyan ng second chance na itama ang mali at makapagbago.
“Lahat ng tao pwede bigyan ng second chance. Kahit noon pa, kahit gaano pa kagrabe iyong mga nagawa niya. Tao lang tayo.
“Lahat tayo tingin ko may karapatang… pwede natin bigyan ng chance bawat isa para magbago,” sabi ni Dennis.
Aniya pa, “Sa totoo lang, walang problema (na makipag-ayos kay Patrick). Ngayon mas mahirap lang, dahil may ganyan. Lahat ‘to madadaan sa mabuting usapan.”
Inamin ng award-winning actor na nagulat sila ng misis niyang si Jennylyn nang mapanood ang interview ni Patrick sa YouTube channel ni Ogie Diaz.
“Kung dumiretso sana siya sa amin, hindi na sana idinaan sa ibang tao. Dahil more than 18 years bago nagsalita, nagkwento. Nakagugulat lang dahil tahimik na lahat. Siyempre naungkat pa mga dati,” ang punto pa niya.
Kasunod nito, nakiusap si Dennis sa publiko na itigil na sana ang pamba-bash sa kani-kanilang mga anak.
“Hiling namin sana matapos na ang pang-bash. Ayaw natin niyon. Oo, magulang involved dito pero ‘wag na natin involve mga bata.
“At the end of the day, sila buhay natin, pinoprotektahan natin, sila mga mahal natin. Ayaw natin masangkot pa sila sa ganitong kaguluhan,” aniya pa.
Wala naman silang naging usapan ni Jen na siya na lang ang magsasalita sa isyu pero bilang asawa at ama, nagdesisyon siyang bumuwelta sa kontrobersiya.
“Ako na lang talaga, kasi siyempre pamilya ko iyon. Walang ibang magtatangol. Iyon ang pangunahing responsibilidad ko bilang ama, tumatayong tatay.
“Gagawin mo lahat para protektahan sila at all costs.”
Patuloy pa niya, “Well, kailangan mo maging matibay. Isipin mo lagi pamilya. Sila importante. Harapin dapat ng matapang, pamilya kasi usapan.”
Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga nakakaintindi sa ginawa niya, “Hindi maiwasan ang ganito. Thankful na maraming nagtatanggol sa amin at sumusuporta.”
Bukas ang aming kolum sa reaksiyon ni Patrick sa mga bagong pahayag ni Dennis.
