Ang bahay ay karapatan, hindi kalakal —Trisectoral Housing Movement

Philippine Trisectoral Housing Movement PTHM

ni Teddy Brul

QUEZON CITY — Iginiit ng Philippine Trisectoral Housing Movement (PTHM) na ang pabahay ay isang karapatang pantao at serbisyong pampubliko, hindi isang kalakal na dapat pagkakitaan, habang nananawagan ng sapat na pampublikong pabahay at pagtigil sa sapilitang pagpapaalis at demolisyon sa mga komunidad.

Magsasagawa ng protesta ang grupo sa harap ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Quezon City ngayong Lunes, 5 Oktubre, kasabay ng paggunita sa World Habitat Day.

Nakapaloob sa naturang broad formation ang PANGISDA-Pilipinas, LUPA-Pilipinas na kumakatawan sa mga maralitang tagalungsod, Workers for People’s Liberation (WPL), Liga ng mga Organisasyon ng Kababaihang Nagkakaisa (LORENA-KAISA KA), at Youth for Nationalism and Democracy (YND).

Nanawagan ang mga grupo para sa isang komprehensibong programa sa pampublikong pabahay, proteksiyon sa seguridad sa paninirahan at pagtigil sa mga demolisyong isinasagawa nang walang sapat at ligtas na alternatibong pabahay.

Ayon kay Elmer Galario, secretary general ng LUPA-Pilipinas, hindi dapat ituring ang pabahay bilang isang produkto lamang na binibili at ibinebenta sa merkado.

                “Housing is a human right and a public service—not a commodity for profit,” ani Galario.

Ayon naman kay Primo Amparo, general secretary ng Workers for People’s Liberation (WPL), hindi sapat na may itinayong bahay kung hindi naman kayang abutin ng mga pamilyang nangangailangan nito, o kung ang paglilipatan ay maglalayo sa kanila sa kanilang trabaho, kabuhayan, paaralan, serbisyong pangkalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan.

Kabilang sa mga kahilingan ng grupo ang pagpasa ng isang Comprehensive Public Housing Act, paglalaan ng katumbas ng 2 porsiyentong gross domestic product (GDP) para sa pabahay, pagtigil sa demolisyon at pagpapaalis nang walang sapat at ligtas na alternatibong pabahay, at paggamit ng mga lupang pag-aari ng National Housing Authority (NHA) para sa pampublikong pabahay, ayon kay Amparo.

Hiniling din ng grupo ang pagrepaso sa mga probisyon ng Republic Act No. 12216 o New NHA Charter na, ayon sa kanila, ay nakaaapekto sa seguridad sa paninirahan ng mga maralitang pamilya.

Inilahad ni Pablo Rosales, pangulo ng PANGISDA-Pilipinas, na kabilang sa kanilang mga napagkaisahang panawagan ang pagtatayo ng public rental housing malapit sa mga lugar ng trabaho at sentrong urban, proteksiyon sa mga komunidad na maaapektohan ng mga proyektong impraestruktura, at pagtigil sa mga reclamation project na maaaring makaapekto sa mga komunidad at kabuhayan ng mga mangingisda.

Nagkakaisa ang mga organisasyon sa Trisectoral Housing Movement na ang usapin ng pabahay ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng bubong.

“Ang tunay na sapat na pabahay ay dapat may seguridad sa paninirahan, abot-kayang halaga, access sa pangunahing serbisyo at oportunidad para sa kabuhayan,” saad ni Rosales.

Hiling namin na maipatupad agad ang fisherfolk settlement program, ani Rosales.

Ayon sa PANGISDA-Pilipinas, mahalagang matiyak ang paninirahan at kabuhayan ng mga pamilyang mangingisda na maaaring maapektohan ng mga reclamation at infrastructure projects sa Manila Bay at coastal areas ng Cavite. Kabilang dito ang mga komunidad na umaasa sa aquaculture, kabilang ang tahong at talaba, bilang pangunahing kabuhayan.

Sa kanilang protesta sa World Habitat Day, nais ng Trisectoral Housing Movement na itulak ang pananaw na ang pabahay ay bahagi ng serbisyong dapat tiyakin ng pamahalaan sa mamamayan—lalo na sa mga pamilyang pinakamahirap at higit na nanganganib na mawalan ng tirahan.