SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NANAWAGAN si Senador Bam Aquino sa mga Filipino sa ibang bansa na suportahan at panoorin ang Forgotten Island, ang bagong animated film ng DreamWorks na ang inspirasyon ay hango sa Philippine mythology at kultura na ipinasa sa ilang henerasyon at nagtatampok ng Pinoy stars.
Tampok sa pelikula ang kuwento ng dalawang matalik na magkaibigan sa isang mahiwagang isla sa Pilipinas. Kasama sa pelikula ang star-studded na Filipino cast, kabilang sina Liza Soberano, Lea Salonga, Manny Jacinto, Dolly de Leon, Jo Koy, at H.E.R.
Kasama rin sa pelikula ng mga director na sina Joel Crawford at Filipino-American filmmaker Januel Mercado ang mga awitin at musical contributions mula sa mga Filipino artist tulad ng SB19, BINI, at Sophia Laforteza ng KATSEYE.
Ayon kay Sen. Bam, nararapat suportahan ng mga Filipino ang pelikula dahil tampok rito ang pagiging malikhain ng mga Filipino, kultura, at pamana na naipakikilala sa mga manonood sa buong mundo.
“Ang ganda ng pagkagawa. Rotten Tomatoes, one of the top movies of the year. We have to show up. So the Philippines, top movie here, pero sa Amerika medyo nakaka-stress na hindi siya kumikita,” wika ni Sen. Bam sa Good Times With Mo.
Binigyang-diin ni Sen. Bam na may mga pelikulang hindi agad nagiging blockbuster ngunit unti-unting nakakukuha ng momentum dahil sa tinatawag na “word of mouth” at patuloy na suporta ng mga manonood.
“I’m still hoping na this coming weekend in the world, because of the word of mouth and because all the Pinoys are gonna bring everybody to the cinemas. But I hope na we can use all of our powers. Marami tayo sa mundo. I hope we can really support this movie,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Sen. Bam na dapat mapanood ng mga Filipino ang Forgotten Island, lalo na’t mas nauunawaan at nararamdaman niya ang halaga ng representasyon nang makitang bida ang kulturang Filipino sa pelikula.
“Having seen our culture front and center on the big screen, wow, parang ganoon pala ‘yung pakiramdam. Talagang warm and fuzzy feeling pala talaga siya,” wika niya, kasabay ng pagsasabing plano niyang magsagawa ng block screening ng pelikula.
Bilang aktibong tagasuporta ng creative industries ng bansa, inihain kamakailan ni Sen. Bam ang Senate Bill No. 2517, o ang Philippine Agency for the Creative Economy (PACE) Act, na kanyang binuo kasama ang SB19 at 1Z Entertainment, ang talent management company ng grupo.
Layunin ng panukala na palakasin ang suporta ng pamahalaan para sa mga Filipino artist at creative worker sa pamamagitan ng pagtugon sa mga hadlang sa kanilang international travel, participation, at professional opportunities, kabilang ang mobility support para sa visa, biyahe, logistics, at paglahok sa international festivals, tours, showcases, markets, at iba pang creative engagements.
Layunin din nitong palawakin ang mga oportunidad ng mga Filipino creative sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng international promotion, business matching, partnerships, distribution, at market access para sa Philippine creative goods and services, habang pinatitibay ang suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Agency for the Creative Economy (PACE) at Creative Industries Development Fund.
Patuloy na sinusuportahan ni Sen. Bam ang mga talentong Filipino, kabilang ang paghahain niya ng mga resolusyong kumikilala sa “Kings of P-Pop” na SB19, Nation’s Girl Group na BINI, at mga dance group na Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers, at Sayawatha Jr. para sa kanilang mga tagumpay sa international stage.
Naging bahagi ng kasaysayan ang SB19 at BINI bilang mga unang Filipino act na nagtanghal sa Lollapalooza sa Chicago at Coachella Valley Music and Arts Festival sa California, ayon sa pagkakasunod, habang naghatid naman ng mga kahanga-hangang pagtatanghal ang Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers, at Sayawatha Jr. sa 2026 World Hip Hop Dance Championship sa Phoenix, Arizona.
