NIRESBAKAN ng talent manager ni Jennylyn Mercado na si Becky Aguila si Patrick Garcia. Ito ay may kinalaman sa naging pahayag ng huli sa una sa naging interbyu kay Ogie Diaz.
Ayon kay Patrick, hindi niya inabandona si Jennylyn noong magkaroon sila ng anak, si Alex Jazz. Iginiit din ng aktor na hindi niya maituturing ang sarili na pabayang ama.
Marami ang kumuwestiyon at nagtaka kung bakit ngayon lamang naisiwalat ito ni Patrick gayung tahimik ang kani-kanilang pamilya.
Anang aktor, naba-bash pa rin siya hanggang ngayon gayundin ang kanyang pamilya at mga anak. Kaya naman nagdesisyon siyang magpa-interbyu kay Ogie Diaz.
Agad na sinagot ni Tita Becky na idinaan sa isang post sa Facebook ang mga naging pahayag ni Patrick. Narito ang buo niyang mensahe.
“Hi Patrick. Long time no see or talk/txt. Nakakabigla naman pasabog mo. I am posting this, not as Jen’s manager, but as her second mom.
“Why did u have to resort to an interview? Kahit wala na si Tita Lydia (nanay ni Jennylyn), andito pa naman ako,” unang bahagi ng post ni Tita Becky.
“Ayokong makasakit at makasira ng image pero nasasaktan ako for Jen.
“Sa dami ng pagkukulang mo ke Jen lalo na kay Jazz, mas inintindi mo pa magpa interview to protect your daughter from bashers at the expense of Jen and Jazz.
“Nakalimutan mo yata that she is the mother of your child.
Me concerns ka pala sana nag reach out ka na lang sa akin at maayos natin nailatag to with Jen and Dennis at madali naman sila kausap.
“There are a lot of things you did to hurt her, and never niya kwinento yun sa iba bilang respeto sa iyo at tatay ka ng anak ninyo at para sa pamilya mo rin na nananahimik na.
“Pero lahat yun naalala ko.
Pasensya na Patrick pero yung truth mo maraming kulang at dagdag. Nanahimik na nanay mo, binuhay mo ulit ang issue and this is all on you.
“I hope nakatulong nga ito sa daughter mo.
“And hopefully you are satisfied with all the things you’ve done.
All I can say is that you never deserved Jen’s love in the first place.
“And you will never earn my respect,”
giit pa ng manager ni Jen.
Bago ito, sa interbyu ni Mama Ogie kay Patrick, sinabi nitong 2017 pa nang huli niyang makita ang anak niya kay Jen at hindi consistent ang pagkikita nilang mag-ama sa loob ng mahabang panahon.
Aniya, 2-5 years old ay nahihiram niya si Jazz kay Jen. Sinasamahan pa raw niya ito sa mga therapy session.
“I was very involved. Naputol lang. Parang dalawang beses naputol ‘yun, eh. Kuwento ko lang, from the time I met him, he was 2 years old, 3, 4, mga 5, parang 2012 yata, na parang naputol ‘yon.
“Because when it comes to money, ‘pag may show, alam mo ang buhay artista, ‘pag may show, bigay, bigay, bigay. ‘Pag nawalan ng show, medyo mahirap,” anito kay Ogie.
Taong 2012 at 2013, hindi na umano niya nakita ang anak. Taong 2014 nang ma-engaged siya ay nakipag-usap ang asawa niya kay Jen para maging bahagi ng kanilang wedding noong 2015.
“After 2017, ‘yun na, 2018 onwards, hindi na kami nagkita. I messaged Jen, 2018 till present day, hindi siya nagre-reply sa akin.
“So, hindi ko naman pwedeng ipagpilitan ang… you know, I can’t force myself. I’m at the mercy of Jen’s reply. Kung hindi nagre-reply, anong gagawin ko?” anang aktor.
Taong 2021, nang muling makausap ni Patrick si Jen at ipinaalam na planong i-adopt ng asawang si Dennis Trillo ang anak nila para mapalitan na rin ang apelyido. Pumayag daw si Patrick dito.
Simula noon hanggang ngayon, hindi na natigil ang bashing sa kanya, naakusahan siyang walang kuwentang tatay.
Kaya naman nagdesisyon siya matapos ang maraming taon na nakararanas siya gayundin ang kanyang anak at pamilya ng pamba-bash na magsalita.
Taong 2017 naman aniya, huli siyang nakapagbigay-sustento.
Sinabi pa ni Patrick na, “Hindi po ako masamang tao, I did not leave a pregnant woman hanging. In fact, I tried, I tried many times. But kung ayaw na sa ‘yo ng tao, anong magagawa mo, ‘di ba? So, I’m not evil.” (Maricris Valdez)
