NAGOYA, Japan — Higit pa sa tatlong medalya, ipinakita ng Philippine athletics team sa 20th Asian Games ang malinaw na senyales ng panibagong yugto para sa track and field ng bansa.
Nasa sentro ng pagbabagong ito si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Terry Capistrano, na patuloy na nagtutulak para sa mas mataas na antas ng paghahanda, suporta at kompetisyon ng mga atletang Pinoy.
Sa unang pagkakataon mula noong 1986, nang magwagi si Lydia de Vega ng ginto sa 100m at pilak sa 200m, muling nakabalik ang Pilipinas sa podium ng Asian Games track events—at dalawang beses pa.
Para kay Capistrano, simula pa lamang ang naging tagumpay sa Aichi-Nagoya.
“The future is bright. We have quite a number of athletes who have shown their might. You now have a team that you can seriously say has stepped up to another level,” ani Capistrano.
Sa isang linggong sagupaan, nag-uwi ang national athletics team ng tatlong medalya sa tulong din ng suporta ng ICTSI at Bloomberry Cultural Foundation.
Pinangunahan ni EJ Obiena ang kampanya matapos masungkit ang gintong medalya sa pole vault sa isa na namang rekord na pagtatanghal.
Nakipagsapalaran naman si John Cabang Tolentino sa gitna ng ulan at injury upang makuha ang bronze medal sa men’s 110m hurdles.
Sa kanyang unang Asian Games, naghatid din ng bronze si Victoria Bossong sa women’s 800m matapos ang matatag na pagtakbo.
Pinuri naman ni Philippine Sports Commission Chairman Patrick Gregorio ang pamumuno ni Capistrano sa PATAFA.
“Terry Capistrano is God’s gift to Philippine athletics. You will rarely see a sports leader who has the resources, management expertise, passion to excel and precious time for his athletes and association,” pahayag ni Gregorio.
“He’s also gifted with vision, great PR, personality and sense of humor and knows how to celebrate. Thank you, president Terry. Mabuhay ang Philippine athletics,” dagdag ng PSC chief.
Para kay Capistrano, hindi na lamang dapat nakasentro kay Obiena ang programa dahil kailangan nang palawakin ang suporta sa iba pang nangungunang atleta.
“We’ve been concentrating on EJ the previous years, now we also concentrate on these two (Cabang Tolentino and Bossong). We’ll build a team around them,” ani Capistrano.
Nais din ng PATAFA na magkaroon ng mas regular at masinsinang programa para sa mga atleta, kabilang ang suporta mula sa mga physiotherapist, therapist at psychologist kung kinakailangan.
“Now, we’ll try to have a team around each of these players. We have to do this full time. At least 50 percent of their time devoted for training. We need physiotherapists and therapists, and a psychologist if necessary,” saad niya.
Binigyang-diin din ni Capistrano ang potensiyal ni Yacine Guermali, na nagpakita ng magandang performance sa 5000m at nagdagdag ng kumpiyansa sa lalim ng Philippine athletics.
“I think with Bossong, Cabang and Yacine, we have a pretty formidable team plus of course EJ. If we talk about the SEA Games, we’ll be fine and we’ll be competitive in other bigger tournaments as well,” ani Capistrano.
Sa tatlong medalya sa Aichi-Nagoya, ipinakita ng Philippine athletics team ang patuloy na pag-usbong ng programa at ang potensiyal nitong makipagsabayan sa mas malalaking kompetisyon sa Asya. (POC Media Pool/HNT)
