Mula sa 16 vote threshold
14 BOTO PARA MAHATULAN SI VP SARA APROBADO

Sara Duterte Senate

NAGDESISYON ang mayoryang miyembro ng Senate impeachment court na bawasan ang bilang ng boto na kailangan o vote threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte.

Mula sa 16-vote threshold, ibinaba ng Senate Impeachment Court sa 14 boto ang bilang para mahatulan si Duterte.

Sa botohan, inaprobahan ang apela ni Tulfo sa botong 13 pabor, isa laban, at anim ang hindi lumahok. Ang nag-iisang bumoto na laban ay si Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na iginiit na mananatili ang 2/3 requirement ngunit maaaring magbago ang denominator depende sa kalipikadong miyembro.

Nabaliktad ang naunang ruling ni Escudero noong 6 Hulyo 2026 na nagtakda ng 16 boto para sa conviction.

Hindi nakilahok sa botohan ang anim na senator-judges na sina Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Christopher Lawrence “Bong” Go, Imee Marcos, Robinhood Padilla, at Camille Villar.

Sa bagong pormula, ibabatay ang two-thirds requirement sa bilang ng mga senator judges na legal at aktuwal na makalalahok sa oras ng pinal na botohan.

Inilinaw ni Escudero na hindi awtomatikong isasama sa bilang ang mga senador na nakakulong, hinahanap ng awtoridad, walang kakayahang lumahok dahil sa kondisyon, o nasa katulad na sitwasyon.

Sa praktikal na aplikasyon, mananatili ang constitutional requirement na 2/3, ngunit maaaring magbago ang kabuuang bilang na pagbabatayan nito. Halimbawa, kung 20 miyembro lamang ang bibilangin, ang 2/3 nito ay 13.33.

Pero hindi maaaring magkaroon ng fraction na boto ang isang senador, kakailanganin ang 14 boto upang magkaroon ng conviction.

Nabuo ang bagong ruling matapos dinggin ang mga amici curiae o “friends of the court” noong 16 Setyembre at ang oral arguments ng prosekusyon at depensa.

Hindi sumang-ayon si Escudero, pero sinabi niyang ipatutupad niya ang pasya ng mayorya. “Ang presiding officer, sa huli, ay hindi ang korte. Siya ay tagapangalaga lamang ng proseso, hindi may-ari ng magiging resulta nito,” aniya.

Sinabi ni House prosecutor Rep. Chel Diokno, ang usapin ay hindi tungkol sa pagbabago ng two-thirds rule kundi sa tamang batayang bilang ng mga miyembro. Inilinaw ni Escudero na ang ruling ay pro hac vice, o para lamang sa kasalukuyang impeachment trial, at hindi magiging precedent sa mga susunod na kaso.

Kapag napatunayang nagkasala, matatanggal si Duterte bilang bise presidente at maaari siyang permanenteng ma-disqualify sa paghawak ng kahit anong pampublikong posisyon.

Batid ng publiko na ilang senador ang hindi nakalalahok sa paglilitis kabilang sina senators Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, at Ronald “Bato” dela Rosa.

Nakakulong sa kasalukuyan sina Estrada at Marcoleta dahil sa mga kasong plunder, habang nagtatago si Dela Rosa sa banta ng arrest order mula sa International Criminal Court (ICC).

Hindi nakadadalo sa impeachment court si Sen. Loren Legarda mula pa noong unang bahagi ng Agosto dahil sa umano’y kondisyon ng kanyang  kalusugan.