Bagong DFA consular office NCR NorthEast, pinasinayaan sa Ali Mall

DFA consular office NCR NorthEast Ali Mall Araneta

QUEZON CITY — Mas inilapit sa publiko ang mga serbisyong konsular matapos pormal na pinasinayaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Araneta City ang bagong renovate at pinalawak na DFA Consular Office NCR Northeast sa Level 2 ng Ali Mall nitong Setyembre 23.

Matapos ang renovation at expansion, ang DFA satellite office sa Ali Mall ang pinakamalaking consular office ng ahensya sa bansa, na naglalayong mapalawak ang kapasidad nito at maserbisyuhan ang mas maraming aplikante.

Tampok sa seremonya ang ceremonial ribbon-cutting at pagpapalitan ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DFA at Araneta City bilang bahagi ng kanilang pagtutulungan upang higit na mapadali at mailapit sa publiko ang mga serbisyong konsular.

Binigyang-diin ni Progressive Development Corporation (PDC) President Manuel “Mar” A. Roxas ang papel ng pribadong sektor sa pagpapalakas ng serbisyo publiko.

“We are proud to host vital government institutions right here in Araneta City, ensuring that our fellow citizens can access critical consular services in a comfortable, secure, and accessible environment,” ani Roxas.

Samantala, ipinahayag ni Quezon City District III Councilor Wencerom Benedict “Wency” Lagumbay, na kumatawan kay Mayor Joy Belmonte, ang suporta ng lokal na pamahalaan sa naturang public-private partnership.

Ayon kay Lagumbay, makatutulong ang bagong pasilidad upang mapadali ang access ng mga residente sa serbisyo ng pamahalaan at mabawasan ang abala sa kanilang mga transaksiyon.

Layunin din ng bagong lokasyon na makatulong sa pagbawas ng red tape at pagsisikip sa mga pangunahing government service hub.

Ayon kay Consular Office NCR Northeast Head Elea V. Perez, makatutulong ang estratehikong lokasyon ng tanggapan upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga aplikante.

Mayroon ding mas maayos na client spaces at courtesy lanes para sa senior citizens, buntis at persons with disabilities (PWDs).

Sa bagong pasilidad, inaasahang magiging mas mabilis at maginhawa ang pagkuha ng passport at iba pang serbisyong konsular para sa publiko.

Samantala, pinagtibay ng DFA, Araneta City at lokal na pamahalaan ang kanilang pagtutulungan upang higit pang mapabuti at gawing mas episyente at makatao ang paghahatid ng serbisyo publiko. (HNT)