Sa Sta. Maria, Bulacan
15 toneladang puslit na karne ng manok nasabat

NBI Sta Maria Bulacan

NASAMSAM ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang 10–15 tonelada ng smuggled frozen chicken meat sa isang warehouse sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 21 Setyembre.

Ayon sa ulat, bahagi ang mga karne ng mga produktong nakompiska ng Bureau of Customs na dapat sana ay sumailalim na sa disposal, ngunit umano ay ibinibenta pa sa publiko online.

Tinatayang nasa P7 milyon ang halaga ng nasabat na chicken drumsticks, habang umaabot sa 81 tonelada ang kabuuang dami ng karne na nabatid na balak pang ibenta.

Naaresto ang isang babaeng suspek matapos magsagawa ng entrapment operation ang NBI kung saan nagpanggap na buyer ang mga operatiba.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon sa iba pang posibleng sangkot kasunod ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na maging mapanuri sa mga produktong pagkain na binibili online, lalo na kung kahinahinala ang pinagmulan at dokumentasyon. (MICKA BAUTISTA)