
NAPIGILAN ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na pasaherong Filipino na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking sa magkahiwalay na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Biyernes at Sabado, 18 hanggang 19 Setyembre.
Pahayag ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), isinailalim sa pangalawang inspeksiyon ang apat na pasahero matapos kuwestiyonin ang kanilang idineklarang destinasyon.
Kinilala ang tatlong lalaking naunang naharang ng mga awtoridad noong Biyernes, na sina alyas Aldo, 30 anyos; alyas Nery, 41 anyos; at alyas Baby, 38 anyos.
Nabatid na idineklara nilang patungo silang Thailand ngunit sa beripikasyon ay lumitaw na ni-recruit sila upang magtrabaho sa Russia bilang security personnel.
Napag-alaman din, pinangakuan si alyas Aldo ng sahod na P70,000 kada buwan, habang si alyas Nery ay ni-recruit ng isang indibiduwal mula Bangkok, at isang alyas Alexander ang gumastos sa biyahe ni alyas Baby.
Kinabukasan, 19 Setyembre, naharang din ng I-PROBES ang isang pasaherong kinilalang si alyas King, 34 anyos, na nakatakdang bumiyahe sakay ng Philippine Airlines at nagdeklarang patungong Vietnam hanggang sa umaming sa Russia rin ang kaniyang destinasyon para sa military service kapalit ng P150,000 buwanang sahod, citizenship matapos ang isang taon, at karagdagang bonus para sa pagtupad sa isang “special mission”.
Nakita sa kaniyang mga personal na gamit ang isang nakatagong Russian visa.
Itinuring ng BI ang apat bilang mga potensiyal na biktima ng human trafficking at iti-turn over sila sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri, imbestigasyon, at nararapat na tulong.
Pahayag ng BI, bahagi ang mga interception ng patuloy nitong hakbang upang palakasin ang border inspection at protektahan ang mga Filipino laban sa human trafficking at illegal recruitment.
Samantala, hinimok ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga kababayang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na beripikahin ang mga job offer at recruitment agency sa Department of Migrant Workers (DMW).
Nagbabala rin ang opisyal laban sa mga online job offer na nangangako ng mataas na sahod, agarang deployment at iba pang benepisyo nang walang sapat na dokumentasyon.
