SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAALIW ang Millennial Pop Princess na si Janah Zaplan nang dumalo sa pagdiriwang ng 100 Bucketlist of Christmas at Christmas Tree Lighting ng Big Ben Complex sa Lipa City sa paanyaya na rin ng President at CEO nitong si Joel Umali Peña noong September 16.
Isa sa special guest si Janah na nagbigay ng isang magandang awitin na kahit masama ang pakiramdam ay binigyang halaga ang paanyaya sa kanya.
First time nakadalo sa ganoong klaseng pagtitipon ang pilot/singer kaya naman naaliw ito sa mga wish ng mga taong nagpahayag noong hapong iyon.
Naroon din si Venus Pelobello ng Tanghalan ng kampeon S5 Grand Finalist na bago naghandog ng kanyang mga awitin ay naghayag muna ng kanyang sariling wish.
Ani Venus, “Wish ko na makasali sa Century Tuna Superbods. Joke lang, wish ko para sa ating lahat more blessings, more power sa ating mga career and peace on earth, kung ano man ang nangyayari sa ating bansa eh maging maayos lang.”
Nagbigay kasiyahan din sa programa ang De La Salle Voices & The Lipa Chorale Ensemble, Lipa Integrated Performing Arts, Aligma Dance Company, at San Sebastian Drum & Lyre. Tumayong host noong hapong iyon si Kennedy Landicho.
Labindalawang indibidwal mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay ang nagbahagi ng kanilang mga kahilingan bilang parte ng 100 Bucketlist of Christmas.
Tradisyon ng Big Ben taon-taon na pumili ng mga indibidwal na maghahayag ng kani-kanilang wish bago mag-Pasko o 100 days bago ang Kapaskuhan. Nagtitipon ang komunidad sa Big Ben Complex para sa isang gabing puno ng liwanag, saya, at pag-asa.
Isa sa mga nahingan ng wish ay si JO2 Queruvin I Cuenca, Unit CRS Officer. Aniya, “Ngayong Pasko, ang hiling ko po ay magkaroon ng pagkakataon ang bawat taong nagsisikap magbago, na mapatawad, masuportahan, at muling makapagsimula sa buhay.
“Bilang isang Jail Officer, nakita ko kung gaano kahalaga ang pang-unawa at pagbibigay ng panibagong pagkakataon. Kaya ngayong Kapaskuhan, sana ay maging bukas ang ating mga puso sa pagpapatawad at pagtulong sa mga taong nais bumangon at magbago.”
Sinabi naman ni Joel na panahon ito ng pagpapasalamat sa mga ginawa at gagawin natin sa buhay. Pasasalamat din sa sarili, sa ating kapamilya, kapwa, kaibigan.
Aniya, “Umpisa na namang ng ating countdown, pagpasok ng ber months, ito ang panahon para tayo ay maging grateful at magkaroon ng gratitude sa sarili sa mga nagawa natin, sa mga kapwa, sa family, friends. Although dapat araw-araw maging grateful.
“Dapat ito ang panahon na mas magiging grateful tayo all day, all night, all the time. Ito po ang pagkakataon para ituloy natin na makisama gawa ng relasyon sa pamilya, kaibigan sa mga kakompitensiya sa business, dating guro sa paaralan.”
Idinagdag din ni Joel na dapat ipagmalaki ang pagiging Filipino.
“Ang Filipino magaling makipagkapwa, sa panahong ito ay ituloy din natin ang pagiging proud Pinoy. Araw-araw nating isigaw pagkagising ang ‘mabuhay.’ Ipagmalaki po natin sa mundo ang pagbati ng ‘mabuhay.’ Maging proud tayo sa ating salita, wika. Ipinanganak tayong Filipino hindi lang para maging resilient kundi para marunong makipagkapwa sa buong mundo, higit sa lahat pwede na tayo muling humiling.“
Ipinaalala rin ni Joel ang kahulugan ng Kapaskuhan at bakit may 100 Bucketlist of Christmas.
“Nag-uumpisa tayo ng kapaskuhan para kay Lord, kay Jesus, Pwede na uli tayong mag-wish na reachable naman kaya mayroon tayong ‘100 Bucketlist of Christmas.’ Mayroong mga kahilingang maging mabait, makabayad ng meralco, mayroon ding kahilingan na magkaroon ng kotse, maging champion sa volleyball, o magkaroon ng maraming follower, maraming benta ng bbq sa Pasko or makapag-travel. “
Sa huli, muli niyang iginiit na, “Maging grateful tayo all the time, maging proud na Filipino, salubungin natin ang Christmas with all the love at iniisip natin na ang Christmas ay hindi lamang sa ating sarili, pamilya kundi kaya tayo narito ay may creator na ipinanganak sa sabsaban na si Lord Jesus Christ.”
