WALA nang buhay nang matagpuan ang dalawang batang unang naiulat na nawawala sa Marikina River nitong Lunes, 21 Setyembre.
Nakatanggap ang Marikina Command Center, sa pamamagitan ng Rescue 161, ng ulat nitong Linggo, 20 Setyembre, tungkol sa dalawang batang nawawala matapos na huling nakitang naglalaro malapit sa ilog sa boundary ng Quezon City at Marikina.
Nabatid na parehong mga residente ng Quezon City ang dalawang bata.
Agad nagpatrolya ang mga tauhan ng Rescue 161, kasama ang mga opisyal ng barangay, sa ilog upang maberipika ang natanggap na ulat.
Ilang oras ang makalipas, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa katawan ng batang palutang-lutang sa ilog na bahagi ng Quezon City.
Nitong Lunes, 21 Setyembre, isa pang katawan ng bata ang nakitang palutang-lutang sa bahagi ng ilog na sakop ng Barangay Jesus Dela Peña.
Nagresponde at bineripika ng mga tauhan ng barangay, River Parks Office, at Rescue 161.
Nakipag-ugnayan na ang Marikina Command Center sa mga pamilya ng mga biktima na nagkompirmang ang pangalawang natagpuang bata ay kanilang anak.
Samantala, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko, partikular ang mga magulang, na hindi ligtas ang ilog para sa paglangoy at sa iba pang aktibidad.
