Bangkay ng kelot, natagpuan sa hotel

Motel dead

ISANG 49-anyos lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa ventilation area ng isang kilalang hotel sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktima na isang alyas Aldrin, 49, residente sa Palaruman St., Doña Damiana Village, Rosario, Pasig City.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 3:00 ng hapon nitong Huwebes, 17 Setyembre, nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa ventilation area, sa harap ng Unit 906 ng hotel na nasa kanto ng  Timog Avenue at Scout Ybardolaza St., Barangay  South Triangle, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Ajay G. Paras, bago ang insidente, napansin ng security guard na si alyas Baccay, ang pagtagas ng tubig mula sa ventilation area mula sa ika-8 palapag ng nasabing gusali.

Dahil dito, ipinagbigay-alam ng security guard sa maintenance personnel ang nasabing tagas upang kumpunihin.

Nagtungo sa lugar ang maintenance personnel na  si alyas Portillano upang hanapin ang pinagmumulan ng tagas ng tubig ngunit pagbukas niya ng bintana na katabi ng ventilation area ay tumambad sa kaniya ang biktima na nakahandusay sa semento.

Sa pagsusuri ng SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pamumuno ni P/Capt. Vimaylene Tacason, natukoy na ang pagtagas ng tubig ay sanhi ng deformed o nayuping tubo ng tubig, na pinaniniwalaang natamaan sa pagbagsak ng biktima.

Natagpuan naman sa ika-20 palapag ng gusali ang isang bag na pinaniniwalaang pag-aari ng biktima na sinabing hindi naman nangungupahan sa nasabing hotel.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (ALMAR DANGUILAN)