Shakeys Super League SSL Unity Cup Pizza

P1 MILYON ang nakataya habang puntirya ng four-time champion National University Lady Bulldogs ang korona ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup, na hahataw sa Setyembre 25 sa Rizal Memorial Coliseum. 

Apat na beses nang kampeon ang NU at muli nitong haharapin ang mabibigat na karibal mula sa UAAP at NCAA sa 17-koponang torneo, na suportado ng Shakey’s Pizza Asia Ventures Inc. (SPAVI).

Bukod sa titulo, P1 milyon ang gantimpala sa kampeon, P600,000 sa runner-up at P300,000 sa third placer. May P10,000 naman para sa bawat individual awardee at P30,000 para sa Most Valuable Player.

Ayon kay Ian Laurel, chairman at president ng tournament organizer na Athletic Events and Sports Management Inc. (ACES), target nilang gawing mas kapana-panabik at mas explosive ang Unity Cup ngayong season.

Samantala, hindi makikilahok ang reigning UAAP champion De La Salle University dahil sa mga injury ng ilang pangunahing manlalaro.

Hahatiin sa apat na pool ang 17 koponan para sa single-round robin preliminary round.

Sa Pool A mapapabilang ang NU, San Beda, Arellano, University of Perpetual Help at NCAA champion Letran.

Kasama naman sa Pool B ang UST, College of Saint Benilde, Jose Rizal University at Mapua.

Nasa Pool C ang FEU, Ateneo, Emilio Aguinaldo College at San Sebastian, habang magkakasama sa Pool D ang Adamson, UP, Lyceum at nagbabalik na University of the East.

Aakyat sa susunod na round ang top two teams mula sa bawat pool. Muling hahatiin ang walong koponan sa dalawang grupo para sa panibagong round-robin.

Ang dalawang nangungunang koponan ay makakakuha ng twice-to-beat advantage sa crossover quarterfinals. Knockout ang semifinals at laban para sa bronze, habang best-of-three ang championship series.

Mananatili rin ang all-to-play format, kung saan kailangang makapaglaro ang lahat ng nasa game roster ng bawat koponan.

Para mas umayon sa international standards, gagamit din ang liga ng makabagong video challenge system na may animated replay visualization simula sa second round. (JM/HNT)