Parañaque Titans, binuo ang 10-atletang roster

Parañaque Titans pickleball

SAMPUNG manlalaro, isang koponan at isang matinding ambisyon sa pickleball.

PORMAL nang ipinakilala ng Parañaque Titans ang kanilang founding roster matapos pumirma ang 10 atleta sa opisyal na kontrata sa isang press briefing at contract signing sa Tela Park, Parañaque City nitong Miyerkules, Setyembre 16.

Sa unang pagkakataon, sabay-sabay na humarap bilang isang koponan ang Titans na pinangungunahan ng national team stars na sina Leander Paez Lazaro at Sarah Jane Restauro Lim.

Kasama rin sa roster sina Ruben Antonio Gonzales Jr., Nik Alessandro R. Isagan, Fatima Ayesha J. Amirul, Jessica Marie L. Agra, Christian Josua “CJ” A. Luna, Matt Daniel H. Navarro, Danica Calma Bautista at Mikhyla Julianne E. Cruz.

Nabuo ang Titans para sumabak sa Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT), bagong national league na inilunsad ng boxing icon na si Manny Pacquiao.

Magsisimula ang limang-leg tour sa Oktubre 3–4 sa Angeles City, Pampanga, kung saan tatanggap ng P1 milyon ang kampeon sa bawat leg.

Umaasa ang Parañaque squad na agad makaporma bilang isa sa mga koponang dapat bantayan simula sa unang leg.

Pinagsama sa Titans ang mga national team mainstay, international medalists at mga batang sumisikat sa lokal na pickleball scene upang bumuo ng malalim at balanseng lineup para sa iba’t ibang dibisyon.

Ayon sa team management, hindi lamang mahuhusay na manlalaro ang kanilang hinanap kundi mga atletang handang lumaban bilang isang yunit.

“Hindi lang ito contract signing—ito ang sandali na naging isang koponan ang 10 atleta. Hindi lang magagaling na manlalaro ang gusto namin. Hinabol namin ang pinakamahusay sa pinakamahusay dahil iyon ang hinihingi ng Titans name,” pahayag ng management.

Mga Atleta ng Titans

Leander Paez Lazaro – National team mainstay at Pickleball Viet Open gold medalist.

Sarah Jane Restauro Lim – Top female pickleball player ng bansa at dating competitive tennis player.

Ruben Antonio Gonzales Jr. – Dating Davis Cup representative at two-time SEA Games gold medalist.

Nik Alessandro R. Isagan – PCL Asia champion kasama ang Philippine squad sa inaugural Shenzhen finals.

Fatima Ayesha J. Amirul – PCL Asia champion at co-MVP ng 2025 Shenzhen finals.

Jessica Marie L. Agra – No. 1-ranked padel player ng Pilipinas at international pickleball medalist.

Christian Josua “CJ” A. Luna – Tournament champion at beteranong trailblazer sa lokal na pickleball scene.

Matt Daniel H. Navarro – Pinakabatang manlalaro sa liga at rising force sa Manila Open division.

Danica Calma Bautista – Luzon pickleball standout na kilala sa tenacity at court awareness.

Mikhyla Julianne E. Cruz – Breakout talent at isa sa mga batang mukha ng bagong henerasyon ng Philippine pickleball.

Ang franchise owner ay sina Tina Mariano, Jeff Tin, Long Kuan at Atty. Albert Agra, habang katuwang bilang founding partners ang Polland Hopia, Tela Athletics at Tela Park.

Bitbit ang paninindigan na grit, passion, unity, discipline at excellence, nakahanda ang Titans na katawanin ang Parañaque City sa bagong yugto ng professional pickleball sa bansa. (HNT)

TEN ATHLETES. ONE CITY. ONE FIRE.