MA at PA
ni Rommel Placente
INAMIN na finally ni Jao Mapa ang napapabalita noon na nagkarelasyon sila ng dating sexy star na si Rosanna Roces.
“Sino noon ang mga nakarelasyon mo sa showbiz ang tingin mo na TOTGA (The One That Got Away) mo? May naging girlfriend ka ba sa showbiz?” tanong ni Susan Enriquez kay Jao.
Ang pangalan ni Rosanna ang isinagot ng actor na nakasama niya sa pelikulang Matrikula,na ipinalabas sa mga sinehan noong August, 1997.
“It was nice working with her,” ang sabi ni Jao tungkol kay Osang na wala raw talagang arte-arte pagdating sa hubaran.
Pero ayon pa sa aktor, pinagsisihan niya ang paggawa ng Matrikula na isang sexy drama. Bata pa raw siya noon at wala pa siyang alam sa pagpapaseksi at paghuhubad.
“Ako, bata pa ako noon, hindi ko alam kung paano gumawa ng mga ganitong pelikula. Siyempre, bago sa akin. Nagsisisi na nga ako kung bakit ko ginawa ‘yung pelikula,” aniya pa.
Hindi naging maganda ang naging resulta sa takilya ng Matrikula kaya hindi na nasundan pa ang tambalan nina Jao at Rosanna.
Samantala, napag-usapan din sa naturang panayam ang tungkol sa private video ni Jao na kumalat sa social media ilang taon na ang nakararaan.
“Long time ago. I felt so bad. I wanted to kill myself at that time. Nakakahiya siyempre. It taught me a lesson.
“So, kapag may mga nakikita akong ganoon, tine-turn down ko na. ‘Yung accounts na ‘yon, iisa lang ang mga kaibigan.
“Minsan wala tapos ‘yun lang ang pictures nila na paseksi. And at that time, I wasn’t really yet mature enough that I would say, for who I am right now, so childish. Childish lang ‘yung mga nangyaring ‘yon.
“I just got over it already. I just keep on going with life. I mean, if something like that happens to you, don’t think it too personally. Kapit ka na lang sa Panginoon.
“Ganoon ‘yun, eh. Keep on praying. Gagabayan ka naman, eh,” pahayag pa ni Jao.
