MA at PA
ni Rommel Placente
ISA si Katherine Luna sa mga sumuporta at rumampa sa opening ng bagong showroom ng Maddox Jewelry. Si Miss Charo Cordial ang owner nito.
Kasama ni Katherine na rumampa ang mga kapwa niya ambassador ng nasabing jewelry brand na sina Maricel Soriano, Ai Ai delas Alas, Jean Garcia, Ara Mina, Kris Bernal, at Claudine Barretto.
Samantala, isa si Katherine sa cast ng seryeng Sigabo, na pinagbibidahan nina Coco Martin at Julia Montes.
Matagal nang hindi umaarte si Katherine. Kaya tinanong namin siya kung hindi ba siya naninibago sa pag-arte.
Sagot niya, ”Siyempre, hindi naman mawawala ‘yun. Talagang maninibago at maninibago ka sa pag-arte. Kasi, matagal akong nawala sa showbiz. Isang dekada mahigit, ’di ba?
“Pero hindi rin ako masyadong nahirapan, kasi napakagagaling ng mga director namin,” sabi pa ng aktres.
Na-link before si Katherine kay Coco. At nagkaroon pa ng isyu sa dalawa dahil sa sinabi ng una sa mga interview sa kanya noon, na ang huli ang ama ng isa niyang anak.
Pero binawi rin ni Katherine ang naging pahayag niya kay Coco, at humingi siya rito ng tawad, na pinatawad naman siya ng binansagang Primetime King.
Ayon kay Katherine, noong nagkita sila ni Coco sa taping ng kanilang serye, at nagkatrabaho ay wala namang ilangan na nangyari sa kanila, at maging sa girlfriend ng aktor na si Julia.
“Walang ilangan. Iba noon, iba na ngayon.
“Ganoon siguro kalawak ang kanilang pang-unawa.
“Parang wala lang nangyari. Ganoon ang pakiramdam ko. At ‘yun ang ipinararamdam nila sa akin,” aniya pa.
