TULOY na ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na idaraos ngayong Lunes, 14 Setyembre 2026.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nasa kabuuang 139 guro sa Cotabato City at dalawa sa Lanao del Sur, ang umatras at hindi makapagsisilbi sa nasabing halalan.
Sa kabila nito, tiniyak ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang mga guro ay awtomatikong papalitan ng mga special electoral board members.
Ani Garcia, sa Cotabato ay mayroon silang nasa 200 pulis na sinanay at binigyan ng sertipikasyon upang tumulong sa eleksiyon.
“Meron na tayong 139 guro, base sa latest na data na nanggaling sa local Comelec dito (sa Cotabato), na hindi makapaglilingkod sa Monday and therefore automatically replaced na sila ng mga special electoral board members. So tuloy ang monitoring natin,” ani Garcia.
“Sa Cotabato, may naka-standby kami ng hindi kukulangin sa 200 PNP personnel, duly trained and with certifications coming from the DOST. Puwede silang pampalit sa electoral board members natin na regular public school teachers, just in case na hindi sila makapaglilingkod,” aniya pa.
Iniimbestigahan aniya ang dahilan kung bakit nagsipag-atras na magsilbi sa halalan ang mga guro.
Samantala, pinakilos ang daan-daang rapid response personnel ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o Bangsamoro READi, para sa posibleng emergency sa kasagsagan ng halalan.
