ni MICKA BAUTISTA
PATAY ang dalawang empleyado ng isang malaki at kilalang online reselling and delivery platform nang bumagsak ang mezzanine floor sa bodega nito sa bayan ng Bocaue, Bulacan noong hapon ng Sabado, 29 Agosto.
Kinilala ni Lt. Col. Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue MPS, ang mga biktimang namatay na sina Jennie Ursabia, 29 anyos, at Christel Rebua, 18, habang ang mga nasugatan ay sina Dazel Anne Arnaiz, 18; Jonel Barsilon, 28; at Raymond Parman, 25.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakatanggap ng tawag sa 911 hotline ang Bocaue MPS hinggil sa pagguho ng mezzanine floor sa bodega ng Shopee sa Boomtown Industrial Park, Barangay Tambubong sa nasabing bayan.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente dakong 3:20 ng hapon habang nasa loob ng establisimiyento ang mga empleyado.
Iniulat na hindi kinaya ng mezzanine ang bigat ng mga kahon na naglalaman ng mga parcel, dahilan upang gumuho ang bahagi ng estruktura na dumagan at umipit sa mga biktima.
Agad na nakipagtulungan ang lokal na pulisya sa Bureau of Fire Protection, Bocaue Rescue Team, at PDRRMO na pinamumunuan ni Manuel M. Lucban, Jr. upang magsagawa ng agarang operasyon sa paghahanap at pagsaklolo.
Isinugod sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria ang mga nailigtas na biktima upang malapatan ng agarang atensiyong medikal.
Sa ospital namatay ang dalawang empleyado dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Nangako ang may-ari na sasagutin ang mga gastusing may kaugnayan sa insidenteng ikinamatay ng mga biktima.
