BFP chief sibak sa graft, bribery

BFP Jesus Fernandez
090426 Hataw Frontpage

TULUYAN nang sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si Bureau of Fire Protection (BFP) chief Jesus Fernandez at sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng pagbili ng 132 ambulansiya na nagkakahalaga ng P485 milyon.

Ayon sa Ombudsman, tumanggap si Fernandez ng P14.7 milyon mula sa kinatawan ng joint venture na sangkot sa procurement.

Nabatid na si Fernandez ang chairman ng Bids and Awards Committee (BAC).

Sinampahan si Fernandez ng dalawang bilang ng indirect bribery, 2 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, nang makitaan ng prima facie evidence ang kaso.

Sa hiwalay na kasong administratibo, napatunayang nagkasala siya ng grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Agad siyang tinanggal sa serbisyo, kinansela ang kanyang eligibility, binawi ang retirement benefits, at tuluyang pinagbawalang muling makapagtrabaho sa gobyerno.

Noong Marso, itinalaga si FCSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu bilang officer-in-charge ng BFP matapos magsampa ng mga reklamo laban kay Fernandez ang Department of the Interior and Local Government. (HATAW News Team)