
HATAW News Team
DAAN-DAANG manggagawa sa apat na steel at metal manufacturing companies sa bansa ang nawalan ng hanapbuhay matapos ang serye ng raid na isinagawa ng Department of National Defense (DND), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), at National Bureau of Investigation (NBI).
Ang pagsalakay ng tatlong ahensiya ay batay sa alegasyon na ang mga pasilidad ay lumalabag sa nuclear safety at consumer protection laws na ang epekto ay umabot sa mismong ekonomiya ng mga bayan at lungsod kung saan matatagpuan ang mga planta.
Sa isang steel plant sa Barangay Ilang, Bunawan, Davao City, mahigit 300 manggagawa ang naapektohan matapos isara ng mga awtoridad ang pasilidad noong 13 Agosto.
Sa Tagoloan, Misamis Oriental, halos 300 hanggang 316 manggagawa ang naapektohan nang i-raid noong Mayo at sa planta sa Magalang, Pampanga, na sinalakay noong 18 Hulyo, 347 manggagawang Filipino ang nawalan ng trabaho, bukod pa sa 37 Chinese nationals.
Samantala, sa Keim Hing Steel Corporation sa Villanueva, Misamis Oriental, walang naitalang manggagawang inalis o idinetine, dahil inspeksiyon lamang ng local government unit (LGU) ang isinagawa rito at hindi raid.
Sa lahat ng apat na kaso, karaniwang ginagamit ng mga ahensiya ng pamahalaan ang salitang ‘rescue’ upang ilarawan ang pag-alis ng mga manggagawa sa mga pasilidad. Ngunit para sa mga apektadong empleyado at labor group, iba ang kanilang naging karanasan.
Sa Davao Steel Corporation, ayon kay Davao City First District Councilor Pamela Librado-Morata sa isang privilege speech sa City Council noong 18 Agosto, mahigit 200 sa mga apektadong manggagawa ang pumunta sa Davao City Hall noong 17 Agosto upang humingi ng tulong, karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa kompanya sa loob nang tatlo hanggang sampung taon.
“Kung tunay ngang rescue operation ito, nasaan ang rescue para sa mga manggagawang ngayon ay nahaharap sa kawalan ng trabaho?” saad ng Kilusang Mayo Uno – Southern Mindanao Region (KMU-SMR) sa isang pahayag.
Ayon naman kay Teresita Hadman, Northern Mindanao coordinator ng National Federation of Labor Unions – KMU, ilang empleyado ng Sanjia ang naghain na ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) para hilingin ang back pay at iba pang benepisyo gayundin ang manggagawa ng Chuangxing Steel na naghain ng reklamo sa NLRC sa San Fernando City.
Higit pa sa pagkawala ng trabaho, umaabot na rin ang epekto ng mga raid sa mas malawak na ekonomiya ng mga lugar kung saan matatagpuan ang mga planta.
Kasabay nito, labis na naapektohan ang mga lokal na junk shop na dumedepende sa nasabing malalaking pasilidad.
Ayon sa isang ulat pang-ekonomiya tungkol sa mga apektadong scrap-metal purchasing network, ang isang junk shop ay karaniwang bumibili ng 20 hanggang 30 tonelada ng scrap metal kada linggo mula sa halos 1,000 hanggang 1,500 indibiduwal na kolektor.
Dahil sa mababang halaga ng scrap bawat kilo at mataas na gastusin sa transportasyon patungo sa malalayong buyer, ang biglaang pagtigil ng operasyon ng mga pangunahing steel plant ay nagdudulot ng paghina sa lokal na bentahan, na direktang tumatama sa mga tsuper, maliit na recycler, at libo-libong maliliit na mangangalakal.
Sa kabila nito, nagbanta si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa isang press conference noong 25 Agosto na mahigit 20 pang steel plant sa bansa ang kasalukuyang sinusuri at binabantayan ng ahensiya para sa posibleng paglabag sa product at workplace safety standards.
Una nang kinondena ng mga labor group ang ganitong crackdown na walang konsiderasyon sa magiging sitwasyon ng mga manggagawa pagkatapos biglaang mawawalan ng trabaho.
