NAGBIGAY ng panibagong karangalan sa bansa ang Philippine Underwater Hockey Team matapos masungkit ang dalawang silver medal sa ginanap na 9th CMAS Asian Underwater Hockey Championships noong Agosto 5–8, 2026 sa Bogor, Indonesia.
Matapos ang double bronze medal finish ng koponan sa 1st Intercontinental Championships Asia-Oceania noong nakaraang taon, kung saan nakamit ng Men’s Elite at Masters teams ang qualification para sa 2027 World Championships sa Paris, France, muling ipinakita ng mga Pinoy ang kanilang husay, tibay at agresibong laro sa ilalim ng pool laban sa ilan sa pinakamalalakas na koponan sa Asya lalo na ang mga nakaharap nila na Singapore, Japan at host Indonesia.
“Super grateful namin that we were able to get the silver medal, at nabigyan ng magandang laban ang mga competitors namin. Its tough play against teams there, and also other not so perfect conditions sa Indonesia pero were grateful lumaban ang team at in the end, masaya kami na nakuha namin ang silver.’, pahayag ni Chia Reyes, miyembro ng women’s team sa naging appearance sa Tabloid Organization in Philippine Sports, Inc (TOPS) Usapang Sports na ginanap sa Philippine Sports Commission Media Room, Rizal Memorial Sports Complex, Manila.
Malaki ang naitulong rin ng constant communication at skills na na-apply ng koponan na sinuportahan ng PSC at Philippine Underwater Hockey Confederation (PUHC) mula sa mga beterano hanggang sa mga baguhan para makipagsabayan sa pakikipagsagupa kontra sa mga Asian at world counterparts.
“I think what we bring to the team are speed, skills, mental toughness at experience. Its good for both [veterans and rookies] teams na well-rounded because the team are need more compsure, more stable sa loob ng court. Doon natin ipapasok ang mga vets, pero kung kailangang bilisan like other countries like China, Singapore at Japan, papasok tayo ng mga young players para makipagsabayan na tayo sa international scene.”, dagdag ni Reyes sa forum na sinuportahan ng PSC, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine.
Naging malaking hamon para sa kanila ang malamig na temperatura , limitadong visibility, at lalim ng pool—mga kundisyong hindi nila nakasanayan sa paglalaro pero nakapag-adjust upang makipagsabay sa mga makakaharap nito sa Asian-level competition.
“Yung sobrang lamig ang temparatura ng pool, hindi kami sanay na makapaglaro sa malamig na pool. Isa pang factor is yung visibility at depth… sobrang labo ang pool. Pag bumaba ka, two lanes ang makikita mo after that hindi mo makikita, luckily for us, sanay kami sa malabo at pinapractice namin ang timing kung kailan ka aahon o bababa.”, wika ni Eathan Dalde ng men’s team na nakasama rin sina Vince Tan at Ysobel Florez sa sesyon.
Ibinabahagi rin nila na nagkaroon rin sila ng mga grassroots programs para sa mga kabataan.
“Every Monday at Saturdays, we conduct free coaching seminar sa Makati for those who like to try the sports. During the first session, libre ang gamit at ang fee to provide for those who wanted to take interest sa sport. Kakagaling din namin last Sunday sa Taytay for a underwater hockey clinic for a club. Hindi naman sila mahirap turuan. Kailangan talaga ng patience kasi makukulit ang mga bata pero masunurin at nagustuhan nila ang sport.”, inihayag ni Dalde.
Sa ngayon ay kasalukuyang nagsasanay sa iba’t ibang pools sa Metro Manila ang koponan kasama na ang kaka-rehabilitate na Philsports Swimming Pool sa Pasig ngunit nais rin nila na magkaroon ng permanent training center para sa underwater hockey.
“Laking tulong if we would have na pool na designated for hockey, isa sa mga challenges up to now kasi makeshift pool for hockey sa Ultra, kami rin ang naglalagay ng sarili naming tubo o barriers kasi 50-meter pool. If magkaroon ng training center, we could develop more players, more kids, at mas mapapaganda ang grassroots program.”, huling sambit ni Reyes.
Sunod na sasabak ang underwater hockey team sa isang practice tournament sa Shanghai, China ngayong Oktubre bilang bahagi ng paghahanda para sa 2027 World Championships sa darating na Abril kung saan target na ma-balasa ang ilan sa mga player combinations at ang pagsalang ng mga developmental players nito. (TOPS/HNT)
