Futsal, sumisikad sa San Juan; PSC, PFF tumulong sa grassroots program

Futsal, sumisikad sa San Juan PSC, PFF tumulong sa grassroots program

SAN JUAN CITY — Hindi naging hadlang ang kakulangan sa malalawak na football field para mapaunlad ang futsal sa San Juan City.

Sa halip, gagamitin ng lungsod ang mga wooden indoor basketball court sa mga barangay bilang bagong tahanan ng futsal o indoor football.

Pormal nang inilunsad ng Philippine Sports Commission (PSC), Pamahalaang Lungsod ng San Juan at Philippine Football Federation (PFF) ang kauna-unahang Futsal Developmental Program ng lungsod, na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang libu-libong kabataan na matuklasan at mapaunlad ang kanilang talento sa naturang isport.

Pinangunahan nina San Juan Mayor Francis Zamora, PSC Chairman Patrick Gregorio at PFF President John Anthony Gutierrez ang seremonya at turnover ng futsal goals at mga bola.

Nag-donate ang PSC ng 20 set ng futsal goals at 120 bola upang makinabang ang lahat ng 21 barangay ng San Juan.

“Ito ang gusto natin—magtulungan ang LGU, PSC at NSA. Kung tumataya ang PSC, gusto rin naming tumaya ang LGU. Mas matatag ang programa kapag malakas ang collaboration,” ani Gregorio.

Dagdag pa niya, nais niyang magkaroon ng dedikadong sports club para sa bawat isport, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at Department of Education.

Umabot sa 125 kabataan ang lumahok sa mga clinic at friendly competition na pinangunahan ni Rafa Merino Rodriguez, head coach ng Philippine Women’s National Futsal Team.

Ayon kay Zamora, walang sapat na lupain ang San Juan para sa malalawak na football field, ngunit maraming wooden basketball court ang maaaring gawing futsal venue.

“Wala kaming lupa para sa football fields, pero marami kaming wooden basketball courts. Sa tulong ng PSC at PFF, maaari na naming gawing futsal venues ang mga ito,” pahayag ng alkalde.

Sinabi rin ni Zamora na ito ang unang futsal program ng lungsod at bukas ito hindi lamang para sa mga kabataan kundi maging sa mga adultong mahilig sa football.

Napapanahon ang programa kasunod ng matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa FIFA Futsal Women’s World Cup noong Nobyembre, na nagbigay rin sa PFF ng dalawang parangal sa 7th Philippine Sports Tourism Awards bilang National Sports Association of the Year at International Event of the Year.

“Pilot program ito para mapasikat ang futsal at mas maraming bata ang makapaglaro ng beautiful game. Umaasa kaming susunod ang iba pang lungsod sa ginawa ng San Juan,” ani Gutierrez.

Binigyang-diin naman ni Gregorio na nagsisimula sa grassroots ang pagbuo ng mga susunod na elite at pambansang atleta.

“Walang elite athlete, walang national athlete kung walang grassroots athlete. Perfect ang futsal dito sa San Juan. Football at futsal ang mga isport na puwedeng paghusayan ng mga Pilipino. Hindi kailangan ng height—liksi at bilis lang,” ani Gregorio.

Kabilang din sa dumalo sina San Juan Vice Mayor Angelo Agcaoili, mga konsehal na sina Macky Mathay, Herbert Chua at Francine Gil, special assistant to the mayor Rocco Zamora, at PFF technical consultant coach Bob Salvacion.

Plano ring magsagawa ng inter-barangay futsal tournament sa San Juan bago palawakin ang programa sa mga inter-city competition, upang lalo pang maitanim ang futsal sa grassroots sports development ng bansa. (PSC/HNT)