Sa kabila ng kahandaan
MERALCO NAGPAALALA SA PUBLIKO MAG-INGAT SA PANAHON NG TAG-ULAN

081926 meralco

MAIKLI man ang brownout sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan, nagpaalala pa rin ang Meralco sa publiko na lumayo sa nakalaylay na kable, sirang poste at pasilidad sa mga binahang lugar, at agad iulat ang mga panganib upang matukoy at mabigyang priyoridad ang mga apektadong lugar.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Vice President, at hepe ng Corporate Communications ng Meralco, “Ang medyo mabilis na pagbabalik ng serbisyo at ang limitadong epekto ng tuloy-tuloy na malakas na ulan sa buong saklaw ng Meralco ay nagbibigay diin sa isang bagay na madalas nakaliligtaan.”

Aniya, “Hindi nabubuo ang katatagan habang may bagyo. Nabubuo ito sa mga taon ng puhunan, regular na pagpapanatili, at tuloy-tuloy na pagpapatibay ng mga pasilidad.”

Bukod dito, patuloy na ipinapadala ng kompanya ang mga linecrew upang harapin ang mga apektadong pasilidad sa kabila ng walang tigil na ulan, pagbaha, at mahirap na kalagayan sa paligid.

Aniya, ang limitadong lawak at tagal ng maraming pagkaputol ng koryente ay mas mainam na tingnan batay sa tindi at tagal ng masamang panahon.

“May hangganan ang bilis ng restorasyon, at iyon ay ang kaligtasan. Maaaring kailanganin ng mga linecrew na kumilos sa gitna ng binahang kalsada, bumagsak na puno, natumbang poste at kable, hindi matatag na estruktura, at nasirang pasilidad,” paglilinaw ni Zaldarriaga.

Dagdag niya, “Sa panahon ng malakas na ulan, may mga sitwasyong kailangang maghintay muna hanggang ligtas na. Dapat mabilis ang restorasyon ngunit hindi kailanman kapalit ang kaligtasan ng manggagawa at ng publiko.”

Lahat ito, lalo ang limitadong pinsala ay sinasalamin ng puhunang inilaan bago pa dumating ang masamang panahon.

Ang regular na inspeksiyon, preventive maintenance, pagpapalit ng lumang pasilidad, at pamamahala ng mga puno at halaman ay nakatutulong bawasan ang posibilidad at tagal ng pagkawala ng koryente.

Karaniwan umanong  hindi nakikita ng konsyumer ang mga puhunang gayan nito dahil nangyayari ito bago pa magkaproblema.