DALAWANG gintong medalya ang ibinulsa ng Pilipinas sa bisa nina world-ranked Jomary Torres at Aumaegel Princess Cortez sa pangtlong araw ng 11th Asia-Oceania Sambo Championships na ginaganap sa Ninoy Aquino Stadium na inihandog ng Philippine Sports Commission.
Sinungkit ni Torres ang ginto sa women’s -50-kilogram matapos pataubin sa finals si Daidry Paiyz Zhadyra ng Kazakhstan sa isang impresibong knockout makalipas ang 17 segundo na laban.
Hindi rin nagpahuli si Cortez matapos maghari sa women’s -59-kg division nang talunin sa kampeonato si Berdikhanova M. ng Kazakhstan.
Silver ang hatid ng defending champion na si Sydney Sy ng Pilipinas ng matalo sa finals kontra kay Arailym Abenova ng Kazakhstan sa women’s +80-kg.
Sa dalawang gintong medalya nina Torres at Cortez, lalo pang tumibay ang kampanya ng Team Philippines sa prestihiyosong torneo na unang beses ginanap sa bansa. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com