HINDI nagpadaig sa tapang si Pinay rookie Sophia Nicole Novino kahit nakaharap ang dalawang ulit na world silver medalist na si Karakat Rakhybay ng Kazakhstan, ngunit kinapos siya at nagtapos sa silver medal sa women’s youth -47-kilogram finals ng 11th Asia-Oceania Sambo Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission noong Miyerkules ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa unang pagsabak sa isang malaking international tournament, walang inatrasang laban si Novino at nakipagsabayan pa kay Rakhybay matapos magtabla sa 1-1 sa unang bahagi ng laban bago tuluyang manaig ang mas beteranang Kazakh.
Si Rakhybay, na back-to-back world youth silver medalist noong 2024 sa Larnaca, Cyprus at 2025 sa Bogor, Indonesia, ay naipitin si Novino may 24 segundo na lang ang nalalabi sa apat na minutong laban kaya napilitang sumuko ang Pinay.
Gayunman, ang silver medal ni Novino ang pinakamagandang naitala ng host Philippines, na nakakuha rin ng tatlong bronze medal sa unang araw ng torneo na inorganisa ng Pilipinas Sambo Federation Inc.
Nadagdagan pa ng tatlong bronze medal ang medal haul ng bansa kahapon matapos pumangatlo sina Johan Matthew San Miguel, Daniel Justin Virtudazo, at Julian Henry Flores sa junior men’s combat sambo -58kg, -88kg at -98kg divisions.
“Hindi lang po ito malaking bagay sa akin kundi malaking aral din. At least nakakuha rin ako ng isang puntos laban sa isang napakalakas na kalaban. First step pa lang ito at hindi ako susuko,” ani ng 17-anyos na UE judo varsity matapos mapaluha sa kabiguan.
Pinuri naman ni national sambo team coach Jerry Legaspi ang ipinakitang tapang ng batang atleta.
“Unang major international sambo tournament niya ito pero napakaganda ng ipinakita ni Sophia laban sa isang napakalakas na kalaban. Ipinagmamalaki ko ang naging performance niya,” ani Legaspi.
“Bago pa lang siya sa sambo dahil galing siya sa judo, pero malaking karanasan ito para sa kanya at tiyak na mas pagbubutihin pa niya sa mga susunod na torneo,” dagdag pa nito.
Ngayong araw naman ay sasabak ang defending champion sa women’s sport sambo +80kg division na si Sydney Sy, na inaasahang magdadagdag pa ng gintong medalya para sa bansa sa apat na araw na torneo na suportado ng Victory Liner.
Mapapanood nang live ang aksiyon sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships sa pamamagitan ng video streaming sa http://www.sambo.live at sa opisyal na Facebook pages ng PSFI at PSC. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com