Thursday , June 25 2026
PH grapplers handa na sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships
NAGBIGAY ng thumbs-up sina PSC Chairman Patrick Gregorio (ikatlo mula kaliwa), SUAO secretary general Suresh Gopi (ikalawa mula kaliwa), at Pilipinas Sambo Federation president Paolo Tancontian matapos inspeksiyunin ang Ninoy Aquino Stadium, na magsisilbing venue ng 11th Asia-Oceania Sambo Championships na magsisimula ngayong araw. Kasama rin nila ang pambansang sambo standout na si Sydney Sy. (PSC photo)

PH grapplers handa na sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships

KUMPYANSA si national sambo head coach Ace Larida na malaki ang tsansa ng 40-miyembrong pambansang koponan na makapag-uwi ng mga medalya sa pagsabak nito sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), na magsisimula ngayong araw sa Ninoy Aquino Stadium.

“Lahat sila ay 100 porsiyentong handa, pisikal man o mental. Matindi ang aming naging pagsasanay sa nakalipas na anim na buwan dahil alam naming tayo ang magiging host ng torneo,” ani Larida bisperas ng kampeonato na inorganisa ng Pilipinas Sambo Federation, Inc. (PFSI).

“Gagawa ng kasaysayan ang Philippine Sambo simula Hunyo 25. Pinaghirapan ng ating mga atleta ang kanilang paghahanda at handa na silang makipaglaban,” dagdag naman ni PFSI president Paolo Tancontian, na personal na nanguna sa paghahanda para sa torneo na kinikilala ng International Sambo Federation at Sambo Union of Asia and Oceania (SUAO).

Pangungunahan ng mga naghaharing kampeon na sina Sydney Sy at Aislyn Agnes Yap ang kampanya ng host Philippines sa torneo na nilalahukan ng 22 bansa at halos 500 atleta mula sa Asya at Oceania.

Target ni Sy na mapanatili ang kanyang korona sa women’s +80kg sport sambo habang tatangkain naman ni Yap na idepensa ang women’s -80kg combat sambo title sa torneo na isinasagawa sa ilalim ng National Sports Tourism Inter-Agency Committee na pinamumunuan ni PSC Chairman Patrick Gregorio.

Ayon kay Larida, kabilang din sa mga inaasahang magbibigay ng medalya sina world No. 7 Jomary Torres, na sasabak sa women’s -50kg combat event, at batang pag-asa na si Sophia Novino sa women’s -47kg youth category ng torneo na sinusuportahan ng Victory Liner.

Masaya naman si dating Southeast Asian Games judo bronze medalist Carl Aneseta sa kanyang unang internasyonal na pagsabak sa sambo at nangakong ibibigay ang kanyang buong makakaya sa men’s +98kg sports category ng apat na araw na torneo.

“Nagpapasalamat ako kay Sir Paolo sa pag-imbita sa akin na lumahok sa event na ito. Magkahawig ang sambo at judo kaya ilang adjustments lamang ang ginawa namin. Sisikapin kong hindi siya biguin,” ani Aneseta, isang Airman 2nd Class at kapwa taga-Davao City ni Tancontian.

“Pinupugayan namin ang sambo federation sa pamumuno ng masiglang presidente nitong si Paolo Tancontian para sa mahusay na organisasyon ng 11th Asia-Oceania Sambo Championships. Inaasahan naming isa na naman itong makasaysayang international sports event sa bansa,” pahayag ni Gregorio matapos inspeksiyunin ang venue kasama sina Tancontian at SUAO secretary general Suresh Gopi nitong unang bahagi ng linggo.

“Five-star,” masayang pahayag ni Tancontian hinggil sa naging marka ni Gopi, na siya ring tournament director, sa kahandaan ng Pilipinas bilang host ng torneo.

“Sa halos 500 atleta mula sa 22 bansa, kabilang ang mga bansang gaya ng Kazakhstan, Kyrgyzstan, Uzbekistan at Turkmenistan, pinatutunayan ng kompetisyong ito ang patuloy na pagsikat ng ating bansa bilang isang pangunahing destinasyon para sa turismo,” dagdag ni Gregorio, na isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng sports tourism.

Mabibili ang mga tiket sa halagang P100 sa mga ticket booth ng Ninoy Aquino Stadium. Maaari ring mapanood ng mga hindi makakadalo ang aksiyon sa pamamagitan ng sambo.live website at Facebook Live ng opisyal na mga pahina ng PSC at Pilipinas Sambo Federation, Inc. (PSC/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

Batang Pinoy 2026 balik-Bacolod, 18K batang atleta sasabak copy

Batang Pinoy 2026 balik-Bacolod, 18K batang atleta sasabak

BABALIK sa pinagmulan nito ang taunang Batang Pinoy matapos italaga ang Bacolod City bilang host …

POC Mahigit 500 kabataan, tampok sa pagdiriwang ng Olympic Day

Mahigit 500 kabataan, tampok sa pagdiriwang ng Olympic Day

NAGING tampok ang mahigit 500 kabataan mula sa tatlong paaralan sa Tagaytay City sa pagdiriwang …

Philippine Sports Hall of Fame

7 alamat ng Philippine sports, pormal nang naitala sa Philippine Sports Hall of Fame

PORMAL na itinanghal sa ika-5 Philippine Sports Hall of Fame Enshrinement Ceremony ang pitong natatanging …

Sydney Sy Asia-Oceania Sambo Championships

World no. 1 Sydney Sy siguradong sasabak sa Asia-Oceania Sambo Championships

SIGURADO nang lalahok ang top local bet na si Sydney Sy sa 11th Asia-Oceania Sambo …

Pato Gregorio PSC Philippine Sports Hall of Fame

Gregorio: Mga kampeon ng nakaraan, inspirasyon ng susunod na henerasyon

MANILA – Binigyang-pugay ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio ang mga alamat ng …