Mukhang tigasin ang mga operator ng dalawang peryahan na matatagpuan sa Lias, Marilao, Bulacan at San Juan, Mexico, Pampanga.
Mistulang mini-casino ang datingan ng dalawang peryahang ito dahil namamayagpag ang mga sugal na drop ball, color games at roleta na dinarayo ng mga gambling afficianados gabi-gabi hanggang madaling araw.
Ang perya cum mini-casino sa Lias, Marilao ay pinapatakbo ng isang alyas “Muslim” na astig ang pormahan.
Kaya natin nasabi na astig itong si alyas “Muslim” ay sukat ba namang bukambibig ng kolokoy na ang padrino daw niya sa kanyang perya cum mini-casino ay si P/Brig. General Jess Mendez, ang magiting na regional director sa Central Luzon?
Kaya naman tiba-tiba ang operasyon ng kolokoy na ito! At dahil kinakaladkad niya ang pangalan ni RD Mendez ay urong ang yagbols ng kapulisan para siya ay hulihin.
Kahit nga ang hepe ng Marilao MPS na si P/Colonel Jordan Santiago ay hindi kayang kantiin si alyas “Muslim”. May naging usapan na kaya?
Samantalang sa San Juan, Mexico, Pampanga ay namamayagpag din ang peryang ala-mini casino nitong si alyas “Dan”.
Ang nakakalungkot, pati ang pinagtibay na batas na RA 9287 o anti-illegal gambling law ay hindi kinikilala ng ilang tiwali na opisyal ng kapulisan sa Pampanga sa kabila ng mataas na penalty nito.
Hindi bababa sa 10 mesa ng beto-beto, color games, baklay at drop ball ang dinudumong gabi-gabi ng mga sugarol sa puwestong ito ni alyas “Dan”.
Hindi kaya nakakaabot ito sa kaalaman ni PBGeneral Mendez? Sir, aksiyon naman diyan! (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com