
HATAW News Team
KINOMPIRMA ng mga awtoridad ang 32 inisyal na bilang ng mga namatay kasunod ng magnitude 7.8 lindol na yumanig sa lalawigan ng Sarangani nitong Lunes ng umaga, 8 Hunyo.
Sa nakalap na datos ng Office of the Civil Defense (OCD), tatlo ang biktimang namatay sa Davao Occidental, 10 sa General Santos City, dalawa sa Tupi, South Cotabato, at 17 ang kinompirmang namatay sa mga landslide sa Sarangani.
Karamihan sa mga biktima ay nabagsakan ng mga estruktura, debris, at pagguho ng lupa. Sa 17 biktima ng pagguho ng lupa, 13 ay mula sa Glan at apat mula sa Malapatan, ayon kay Sarangani PDRRMO head Rene Punzalan.
Naitala ang 234 sugatan at 12 nawawala, bagamat sinabi ng OCD na patuloy pa ang beripikasyon sa nasabing mga ulat.
Mahigit 10,000 pamilya mula sa Sarangani, Sultan Kudarat, at iba pang apektadong lugar ang inilikas bilang pag-iingat.
Iniulat na sentro ang Maasim, Sarangani na may malawak na pinsala sa mga gusali at mahahalagang impraestruktura, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Inihayag ng Phivolcs, ang lindol na tumama sa baybayin ng Maitim, Sarangani dakong 7:37 ng umaga ay bunsod ng paggalaw ng Cotabato trench kung saan nahati ang fault line sa Celebes Sea at tumawid sa timog kanluran ng baybayin ng Mindanao kaya nagtaas ng tsunami alert.
Mahigipit na inatasan ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang pagtataas ng ‘heightened alert’ sa lahat ng police units sa Mindanao, pagtulong sa response operations at pagbabantay sa mga critical infrastructure.
Kanselado ang 17 flights sa pansamantalang suspensiyon ng operasyon sa General Santos Airport kasunod ng malakas na lindol sa Mindanao.
Habang iniutos ng Korte Suprema na pansamantalang suspendido ang mga operasyon ng korte sa mga lugar na naapektohan ng lindol.
Nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations ng mga awtoridad sa mga apektadong lugar.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com