ISANG kabataang itinuturing na child in conflict with the law (CICL) ang naaresto ng mga awtoridad matapos looban ang isang vape shop sa Brgy. Sta. Clara, Santa Maria, Bulacan kamakalawa.
Batay sa ulat mula kay PLt. Colonel Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria MPS, habang nagsasagawa ng intensified Oplan Sita ang mga operatiba sa Brgy. Sta. Cruz ay napansin nila ang dalawang indibiduwal na magkaangkas sa isang Yamaha Mio motorcycle na walang plaka.
Nang tangkaing lapitan ng mga operatiba ang mga suspek para sa regular na inspeksiyon ay agad umarangkada ang motorsiklo dahilan upang magkaroon ng habulan.
Humantong ang habulan sa aksidente nang bumangga ang motorsiklo sa konkretong pader, na naging sanhi ng pagkakaaresto sa isang CICL ngunit nakatakas ang kanyang kasama.
Makalipas ang insidente, personal na nagtungo sa himpilan ang biktima at iniulat ang naganap na pagnanakaw sa kanyang tindahan at sa pamamagitan ng CCTV footage ay kinilala niya ang suspek.
Nakompiska mula sa naarestong suspek ang assorted vape products na tinatayang may halagang ₱26,000; isang OPPO Reno 6 cellular phone na may halagang ₱6,000; at ₱1,800 cash.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operations para sa pag-aresto sa isa pang suspek samantala inihahanda na ang kasong Robbery laban sa naarestong CICL at sa kanyang kasabwat na nananatiling at-large na ihahain sa Provincial Prosecutor’s Office sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ang Santa Maria MPS ay patuloy na nagpapaalala sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com