BAGO tuluyang maikalat at maibenta sa pamilihan, nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaking nagtangkang mag-deliver ng mga pekeng sigarilyo sa bayan ng Llanera, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo ng umaga, 5 Abril.
Sa ulat mula kay P/Maj. Aniceto Caraang, Jr., hepe ng Llanera MPS, ang naarestong suspek ay residente ng Mulawin 1, Brgy. Bitas, sa lungsod ng Cabanatuan.
Nabatid na dakong 10:00 ng umaga kamakalawa, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Llanera MPS sa Brgy. Mabini, isang Kawasaki CT100 motorized tricycle na walang plaka ang kanilang ipinara para sa regular na inspeksiyon.
Dito na natuklasan ng mga operatiba ang ilang reams ng sigarilyo sa isang ice box na nasa loob ng sidecar.
Lumabas sa beripikasyon na ang mga ito ay pekeng sigarilyo, dahilan upang agad na arestohin ang suspek at kompiskahin ang mga ilegal na gamit.
Ang mga nakompiskang ebidensiya ay binubuo ng 23 reams ng Modern cigarettes, limang ream ng Golden City cigarettes at tatlong ream ng Carnival cigarettes na walang kaukulang permit at dokumento mula sa pag-aari at kontrol ng suspek.
Tinatayang may kabuuang halaga na P13,900 ang nasabat na pekeng sigarilyo. Kabilang sa kinompiska ang isang Kawasaki CT100 motorized tricycle, kulay itim, walang plaka na dinalang lahat sa Llanera MPS para sa kaukulang disposisyon.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa Sec. 1401 ng RA 10863 (Customs and Modernization and Tariff Act), RA 10643 (The Graphic Health Warning Laws), at RA 7394 Consumer Act of the Philippines at Internal Revenue Code of 1997). (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com