NAKALIKOM ang mga opisyal ng Bulacan ng kabuuang P600,000 pabuya na maghahatid sa pagbabalik ng mga pilak na palamuti na ninakaw mula sa estatwa ng patron ng bayan ng San Miguel sa Bulacan noong Sabado de Gloria, 4 Abril 2026.
Inihayag ni Rep. Mark Cholo Violago ng Ika-3 Distrito ng Bulacan na naglaan siya ng P400,000 pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon na maaaring humantong sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa magnanakaw/mga kumuha ng mga sagradong pilak na palamuti ng estatwa ni San Miguel Arkanghel sa Simbahan ng Parokya ng San Miguel.
Sa kabilang banda, inihayag ni Mayor Bong Alvarez ng San Miguel na magbibigay siya ng P200,000 para sa mga impormasyon na maaaring humantong sa pagbabalik ng mga sagradong bagay ng kanilang “Sakdal Giting na Patrong San Miguel”.
Umapela si Alvarez sa mga parishioners na pagsama-samahin ang mga panalangin upang malampasan ang pagsubok na ito sa kanilang bayan.
Kasama sa ninakaw na mga palamuting pilak ng rebulto ang pakpak, kalasag, sibat, at pala nito na natuklasan ng mga opisyal ng simbahan dakong 9:00 ng umaga noong Sabado de Gloria.
Ang insidente ay kaagad iniulat ng mga opisyal ng simbahan sa San Miguel Municipal Police Station.
Sinabi ni PLt. Colonel Mohammad Taufh S. Abduhalim, acting chief of police ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) na patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente ng pagnanakaw. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com