ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MARAMING moviegoers na mahilig sa beauty contest at mystery-drama ang siguradong mag-e-enjoy sa pelikulang “All About Her” na entry sa 8th Sinag Maynila Independent Film Festival (Full Length Film Category).
Ang pelikula ay hinggil sa dalawang babae na naghahangad na maging reyna ng isang beauty pageant.
Ito’y mula sa award-winning direktor na si Joel Lamangan at sa screenplay ni Quinn Carrillo. Ang pelikula ay pinagbibidahan nina Yuki Sonoda, Kelley Day, at Tony Labrusca.
Sinabi ng award-winning director kung bakit dapat panoorin ang kanilang pelikula. “Dapat panoorin ninyo ito dahil makikita ninyo ang mga katotohanang nangyayari sa beauty contest. Iyong mga hindi tinatalakay sa news, dito malalaman ninyo ang nangyayari sa loob ng beauty contest.”
Ang pelikula ay sumasalamin sa mga tunay na kaganapan sa mga beauty contest na interesadong-interesado lagi ang maraming Pinoy. Karamihan ng mga elementong nangyayari sa mga beauty contest ay makikita rito, tulad ng dayaan, gamitan, exploitation, at iba pa.
Ang All About Her ay isang drama-thriller movie tungkol sa hiwagang bumabalot sa pagkamatay ng isang beauty queen.
Pasado ang acting ng mga nagsipagganap dito, lalo na sina Kelley at Yuki.
Mismong si Direk Joel ay pinuri ang mga artista niya rito. “Ngayon lamang ako gumawa ng pelikula na ang lahat ng kasama ko ay baguhan at natutuwa ako sa karanasan dahil surprisingly ay magagaling silang lahat.
“Mahuhusay ang performances nilang lahat, lalaki at babae, mahuhusay silang lahat dito sa aking nagawang pelikulang ito. Maipagmamalaki ko silang lahat, mahuhusay sila,” diin pa ni Direk Joel.
Mahalaga ang mga flash back na mapapanood dito para masundang mabuti ang takbo ng istorya at dito nagtagumpay si Quinn Carrillo.
Nagpasalamat siya sa mga kasama sa pelikula, lalo na kay direk Joel.
“To direk Joel, for giving me the chance to write this ambitious storytelling, kasi talagang I’ve always wanted to write one of these. Iyong kakaiba ang narrative, ‘yung chronology… Si Direk Joel ang nagbigay sa akin ng concept, ng ideas, and the chance para matahi-tahi namin nang ganito iyong istorya. And of course to our amazing producers, for giving us the chance to make this movie happen, maraming-maraming salamat po,” pahayag ni Quinn.
Anyway, kaabang-abang ang ending ng pelikula, lalo na sa unti-tunting pag-reveal sa mahahalagang eksena at pag-alis sa maskara ng mga main character na susi para ma-solve ang misteryong nasa likod ng krimen.
Matagumpay ang ginanap na Gala Night nito last Monday sa Gateway Cinema at sold out ang tickets.
After ng movie screening ay nanawagan din si direk Joel sa publiko na suportahan ang Sinag Maynila.
Aniya, “Sinag Maynila, thank you so much for having something like this every year. The industry really need something like this, can we clap for Sinag Maynila?
“Congratulations to the cast, salamat po sa pagpunta n’yo, tangkilikin po natin ang lahat ng kasama sa Sinag Maynila, salamat po.”
Tampok din sa All About Her sina Itan Rosales, Marco Gomez, Angelica Cervantes, Pancho Magno, at Jim Pebanco. Hatid ng 3:16 Media Network. Executive producers dito sina Ms. Len Carrillo, Melanie Uy, Mike Lazo, at Jharvis Ong.
Ang Sinag Maynila ay mapapapanood sa mga piling sinehan sa Metro Manila mula March 23-29, 2026. Kabilang dito ang mga sinehan sa Gateway Cineplex, Eastwood Cinemas, Uptown Cinemas, Venice Cineplex, at Lucky Chinatown Cinemas.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com