Thursday , June 4 2026
Aksyon Agad Almar Danguilan

Pagkiling ng Ombudsman sa dating House Speaker depensang garapal nga ba?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

SA PATULOY na pagbanggit sa pangalan ni Martin Romualdez sa iba’t ibang testimonya at dokumento kaugnay ng flood control corruption, marami ang nakapapansin sa maingat na tono ni Ombudsman Boying Remulla tuwing siya’y natatanong tungkol sa dating House Speaker.

Kung susuriin, may malinaw na pagkakaiba sa paraan ng pagharap ng Ombudsman sa mga sangkot.

Sa ilang senador, mabilis at direkta ang kanyang aksiyon. Pinapangalanan agad sa media at may kasamang matitinding pahayag at bantang kaso. Ngunit kapag si Romualdez na ang usapan, nagiging mas teknikal ang paliwanag. Paulit-ulit na binabanggit ang kawalan umano ng paper trail, kakulangan ng direktang ebidensiya, at posibilidad na negligence lang ang isyu.

Dito pumapasok ang mga tanong. Pareho lang naman ang pinanggagalingan ng ebidensiya. May mga affidavit, testimonya, at insider accounts. Kung sapat ang mga ito para umusad ang kaso laban sa iba, bakit tila kapos para tutukan nang mas madiin ang isang pangalang lumilitaw nang paulit-ulit?

Dagdag rito ang pahayag ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre,  kilalang kaalyado ng pamilya Romualdez, na nagsabing wala umanong liability ang dating Speaker base sa Independent Commission for Infrastructure findings.

Pansinin, hindi pa inilalabas sa publiko ang naturang report at naisumite pa lamang ito sa Ombudsman. Hindi rin malinaw kung paano ito napasakamay ni Acidre.

Dahil dito, lalong lumalalim ang pagdududa. Paano nagkaroon ng access ang isang kaalyado sa isang sensitibong dokumento? At bakit tila mas nauuna pa ang depensa kaysa opisyal na resulta ng imbestigasyon?

Sa mga pagdinig, may mga testigong nag-uugnay kay Romualdez sa mas malawak na galaw ng pondo, kabilang ang umano’y cash deliveries at impluwensiya sa budget. Ngunit sa kabila nito, tila nananatili siyang nasa gilid ng imbestigasyon. Laging nababanggit, pero hindi sentrong tinututukan.

Mas nagiging kahinahinala pa ang sitwasyon nang aminin ni Remulla na nakausap niya si Romualdez at may personal silang ugnayan bilang fraternity brods sa UP Upsilon Sigma Phi. Kahit sabihin pang hindi ito dapat makaapekto, nag-iiwan ito ng impresyon sa publiko lalo na kung iuugnay sa kakaibang pagtrato ng Ombudsman sa posibleng kaso laban kay Romualdez.

Kung tunay na seryoso ang laban kontra korupsiyon, hindi dapat nagbabago ang tapang depende sa pangalan. Hindi dapat na may mas malambot at may mas mabigat na pagtingin. Dahil sa huli, hindi lang ito tungkol sa isang tao, kundi sa kredibilidad ng mismong hustisya. (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

No-el at alitan ng magkapatid

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. GAMIT ang kanyang posisyon sa Senado, tila humawak ng …

Sipat Mat Vicencio

Pakiusap, magbitiw ka na Alan Peter Cayetano!

SIPATni Mat Vicencio HIGIT na makabubuti kung kusang magbibitiw na lamang si Senator Alan Peter …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Political seige sa Senado, ‘di umubra kay SP Cayetano

AKSYON AGADni Almar Danguilan SIMULA nang mapalitan ang liderato ng Senado matapos mapatalsik sa trono …

Editorial

Sa kabila ng upak at kritisismo
Senate leadership hinarap agad impeachment at flood control probe

HINDI biro ang sitwasyong kinaharap ng buong bansa nitong mga nagdaang linggo. Tila kinubkob ng …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa DA rice analyzer, modus ng rice traders matutuldukan na

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAKASISIGURO ka bang magandang kalidad ang nabili mong bigas – iyong …