AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI itinuturing na aksidente ang paglitaw ng 18 kataong nagpakilalang ex-Marines at si dating House Speaker Martin Romualdez ang itinuturong nasa likod ng pagpaplano at pagpondo sa naturang exposé.
Layunin nitong guluhin ang imbestigasyon sa flood control corruption na nag-uugnay kay Romualdez sa napakalaking kickback. Kapag nadadamay ang iba pang kilalang personalidad, nababawasan ang pokus sa kanya at nalilihis ang direksiyon ng paghahanap ng pananagutan mula sa mga pangunahing responsable.
Maraming nagduda sa kredibilidad ng ‘Maleta soldiers’ ngunit nagawa pa rin nitong magdulot ng kalitohan sa publiko at maghasik ng tanong kung tunay ngang naganap ang pinakamalaking pandarambong sa kasaysayan ng bansa.
Hanggang ngayon ay patuloy ang pagtanggi ng mga politikong pinangalanan sa testimonya ng 18 “ex-Marines” habang nananatiling tikom ang bibig ni Romualdez. Ipinapakita nito na nananatili siyang hindi direktang naaapektohan ng isyu.
Maging ang Department of Justice at Office of the Ombudsman ay nakatutok sa pagsusuri ng testimonya ng grupo kahit matagal nang kinukuwestiyon ang tibay ng salaysay.
Ang malinaw na hangarin ni Romualdez ay maiwasan ang pananagutan at ang posibilidad ng pagkakakulong. Nadamay rin sa naratibo ang kanyang mga kaalyado sa Senado na sina Senate President Tito Sotto at Senator Loren Legarda na tumulong sa pagdepensa sa kanya nang papalapit na sa kanya ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan noon ni Senator Rodante Marcoleta.
Nagbago ang liderato ng Senado sa panahong halos maipit na si Romualdez sa imbestigasyon at pinaghinalaang siya rin ang nagmaniobra upang mailuklok si Sotto bilang Senate President.
Kung dati ay magkakasama, ngayon ay nagkakawatak-watak. Sa gitna ng matinding pagsubok nasusubok ang tunay na samahan. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com