Friday , February 6 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Philippine Golf Championship

Simula 5 Pebrero
Elite-level na kompetisyon sa PH Golf Championship sa Wack Wack Mandaluyong

ISANG matibay at de-kalibreng hanay ng mga manlalaro, na pinangungunahan ng apat sa mga nagwagi ng Order of Merit (OOM) sa nakalipas na 10 taon, ang maglalaban para sa titulo sa Philippine Golf Championship na inihahandog ng Philippine Sports Commission.

Magsisimula ang torneo bilang pambungad na event ng Asian Tour season ngayong Huwebes, 5 Pebrero, sa East Course ng Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.

Nakuha ng Amerikanong si John Catlin ang OOM noong 2024, isang parangal na iginagawad sa manlalarong nakapagtala ng pinakamaraming puntos sa Asian Tour at sa iba pang mga aprobadong torneo ng propesyonal na golf sa kontinente.

Sa parehong taon, hinirang din siyang Player of the Year ng Asian Tour—isang titulo na napanalunan na rin niya noong 2018.

Si Sihwan Kim, kumakatawan din sa Estados Unidos, ay nagwagi ng OOM at Player of the Year noong 2022, habang si Jazz Janewattananond ng Thailand ay nagkamit ng kaparehong mga parangal noong 2019 Asian Tour season.

Kasama sa torneo ang mga dating Asian Tour inners na sina Suteepat Prateeptienchai, Poosit Supupramai, Ekpharit Wu, Rattanonn Wannasrichan at Sadom Kaewkanjana ng Thailand; si Jbe Kruger ng South Africa; si Hongtaek Kim ng Korea; at si Lee Chieh Po ng Chinese Taipei. Sila ay bahagi ng kabuuang 144 golfers na lalahok sa torneo.

Ang season-opening event ng Asian Tour na ito ay may kabuuang premyong US$500,000, katuwang ang National Golf Association of the Philippines (NGAP). Ito rin ang ikalawang sunod na taon na ang Filipinas ang magho-host ng unang leg ng Asian Tour.

Si Angelo Que, dating kampeon ng Philippine Open, ay isa sa 25 lokal na propesyonal na sasabak sa torneo.

Aniya, ang pagkakaroon ng unang Asian Tour event sa bansa ay patunay kung gaano na kalayo ang narating ng golf sa Filipinas.

“Maganda na dalawang taong sunod-sunod, dito sa Filipinas ginaganap ang unang Asian Tour event at ipinapakita nito na bumabalik muli ang bansa sa Asian Tour,” ani Que.

“Marami tayong mga papasikat na manlalaro, maganda ang pakiramdam. Masaya rin makapaglaro ulit dito sa Wack Wack. Malaking tulong ang local knowledge. Hindi ito kasing haba ng ibang courses, kaya kahit kaming mga beterano ay may tsansang makipagsabayan sa kanila.”

“Laging mas malakas ang field sa unang event ng season, kahit maliit lang ang torneo, dahil gusto nilang magsimula nang maayos. Kaya maganda talaga na ikaw ang unang event ng season,” dagdag niya.

Bukod kay Que, kabilang sa mga lokal na manlalaro at dating Philippine Open winners na lalahok sina Clyde Mondilla at Gerald Rosales. Maglalaro rin si Antonio Lascuna, limang beses na nagwagi ng Philippine Golf Tour OOM.

Makakasama nila ang 16 imbitadong lokal na manlalaro at anim na pambansang golfers mula sa hanay ng mga amateur.

Sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC), hindi lamang inilalagay ng torneo ang bansa bilang isang regional golfing powerhouse, kundi pinatutunayan din nito na ang Filipinas ay isa sa mga pangunahing destinasyon para sa sports at turismo.

Ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kanyang pag-aproba sa torneo sa ilalim ng National Sports Tourism Inter-Agency Committee na pinamumunuan ng PSC Chairman na si Patrick Gregorio.

“Maaga kong napagtanto na talagang kinagigiliwan ng mga Filipino ang sports tourism. Magandang balita ito at nagbibigay inspirasyon. Ang papel ng PSC ay hikayatin ang ating mga sports stakeholders na maging mas proactive sa pagho-host ng mga international competitions upang maipakita ang isport at ang ating bansa,” ani Gregorio.

“Ang pinakamalalaking tourism events sa mundo ay mga sports events. Ang PSC ay tagapagpadali. Masaya kami kapag pumapalakpak ang mga Pinoy, kapag nagchi-cheer ang mga Pinoy, kapag nangangarap ang mga Pinoy. Iyan ang ganda ng sports—kahit saglit, napapasaya natin ang mga kabataan pati na ang kanilang mga magulang,” dagdag ng Chairman.

Para naman sa NGAP, nagpahayag ng optimismo ang pangulo nitong si Martin Lorenzo na ang pagho-host ng Asian Tour ay magsisilbing inspirasyon sa nakababatang henerasyon.

“Ikinararangal namin muling i-host ang Asian Tour sa Filipinas. Ang pagpapakita ng elite golf ay nananatiling sentro ng aming misyon, habang layunin naming bigyang-inspirasyon ang susunod na henerasyon na yakapin ang isport at magsikap para sa kahusayan,” ani Lorenzo.

“Ipinapaabot din namin ang taos-pusong pasasalamat sa aming presenter, ang Philippine Sports Commission, at sa aming venue host, ang Wack Wack Golf and Country Club, sa kanilang mahalagang suporta,” dagdag niya. (PSC ICE/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

Bambol Tolentino POC

Tolentino naniniwalang PH sa Winter Olympics  “Walang imposible!”

MALINAW ang pananaw si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino habang nagpapadala ang …

2025 World Slasher Cup

5 entries wagi sa 2025 World Slasher Cup 1

MATAPOS ang mahigpit na bakbakan, limang entries ang umangat sa naganap na prestihiyosong 9-cock derby …

SM Matcha

All for You Matcha Madness Hits SM Supermalls
SM Supermalls takes Matcha Fest nationwide

MANILA, Philippines 5 February 2026 — Building on the first-ever Matcha Fest held at the …

Money Bagman

Sa flood control projects scandal
347 katao nais ng paliwanag sa nag-leak na kopya ng draft partial report

UMABOT na sa 347 indibiduwal ang co-signatories at naghain ng Petition for Full Disclosure ng …

Dead Road Accident

Dump truck na kargado ng krudo nahulog sa bangin, 9 LGU employees todas

HINDI nakaligtas sa kamatayan ang siyam empleyado ng lokal na pamahalaan ng Bayawan City sa …