PANGUNGUNAHAN ni Philippine Olympic Committee (POC) President, Abraham “Bambol” Tolentino ang pagbuo sa Timog-Silangang Asya ng isang youth-based na multi-sport competition na makatutulong upang matiyak ang kahandaan ng mga atleta sa rehiyon para sa Asian Youth Games (AYG) at Youth Olympic Games (YOG).
Tatawagin itong Southeast Asian Plus Youth Games o SEA Plus YG, at idinisenyo ang mga palaro na idaos nang hindi bababa sa isang taon bago ang AYG para sa mga atletang may edad na 17 pababa.
Si Tolentino ang founding president ng mga palaro, na nakakuha na ng pag-apruba ng siyam sa 11 pangulo ng national Olympic committees (NOC) ng mga bansang kalahok sa SEA Games—Thailand, Indonesia, Malaysia, Laos, Cambodia, Myanmar, Vietnam, at Timor Leste.
Ayon sa pinuno ng POC, ipinahayag ng Olympic Council of Asia (OCA) ang buong suporta at tulong nito sa SEA Plus YG sa isang pagpupulong ng mga founding members kasama si OCA Director General Dr. Husain AHZ Al-Musallam ng Kuwait, na nagsabing nasa mga bansa na mismo kung nais nilang sumali o hindi.
“Ang SEA Plus YG ang sagot ng Timog-Silangang Asya sa paghubog ng mga atleta mula sa grassroots level, gawing kompetitibo sila sa antas ng AYG, at may kakayahang manalo ng medalya sa YOG,” ani Tolentino.
Target na idaos ang unang edisyon sa Maynila sa 2028, at gaganapin ito tuwing dalawang taon upang umayon sa AYG—ang ikalawang pinakamalaking palaro sa kontinente matapos ang Asian Games na dinadaluhan ng 45 bansa—na kamakailan ay ginanap sa Manama, habang ang Tashkent ang susunod na punong-abala sa 2029.
“Sa huli, ang layunin ay magkaroon ang mga batang atletang ito ng matibay na pundasyon upang makipagsabayan sa Summer at Winter Olympics,” dagdag pa ni Tolentino, na muling iginiit ang agarang pagtatatag ng SEA Plus YG sa mga opisyal na pulong at caucus sa ginanap na ika-33 SEA Games sa Thailand noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Tolentino, honorary president ng SEA Games Federation Council, na bubuuin ang programa ng dalawang mandatory sports, hanggang 12 Olympic sports, hanggang limang Asian non-Olympic sports, at isang tradisyunal na isport na may hanggang anim na medal events.
Ipinaliwanag ni Tolentino na ang “Plus” ay tumutukoy sa pag-imbita ng hindi bababa sa isang Asian NOC mula sa ibang sub-rehiyon ng Asya sa bawat edisyon ng mga palaro upang magbigay ng mas matinding kompetisyon para sa grassroots ng rehiyon.
Nanatiling nahuhuli ang mga bansa sa SEA Games kumpara sa mga powerhouse ng Asya sa AYG, at sa ikatlong edisyon na ginanap sa Bahrain noong Oktubre, nagtala ang Pilipinas ng rekord na siyam na gintong medalya upang maging ikalawang pinakamataas na ranggong bansa sa Timog-Silangang Asya, kasunod ng Thailand na may 15.
Nangunguna ang Thailand sa rehiyon sa kabuuan na may 15 ginto, sinundan ng Singapore na may 16, Pilipinas na may siyam, Vietnam na may anim, at Indonesia at Malaysia na may tig-lima.
“Ang SEA Plus YG ay isang elite-level, developmental, at culturally unifying na multi-sport event, gaya ng nakasaad sa charter ng mga palaro,” pahayag ni Tolentino, na ayon sa mga founding NOC heads ay “nagpasimula, gumabay, at nagtatag ng paglikha ng SEA Plus YG.”
Bukod sa SEA Plus YG, masigasig ding tinatrabaho ni Tolentino ang transisyon ng SEA Games tungo sa ASEAN Games, na layong palakasin ang tatak ng ASEAN sa buong mundo—hindi lamang sa larangan ng palakasan kundi pati na rin sa pandaigdigang ekonomiya at pulitika. (POC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com