
ni Niño Aclan
MANANATILI sa detensiyon ng Senado ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang kontratistang si Curlee Discaya, at Bureau of Customs – Port of Subic Acting Chief of Assessment Juan San Andres sa Pasko at Bagong Taon, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Tugon ito ni SP Sotto sa mga katanungan ng Senate media kung ano ang magiging sitwasyon ng mga nakadetine sa Senado kabilang sina dating DPWH Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara, Engr. Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
Sinabi ni Sotto na hanggang hindi natatapos ang 20th Congress sa Hunyo 2028 ay mananatili sila sa detention facilities ng Senado o hangga’t hindi natatapos ang report ng Blue Ribbon o depende sa sitwasyon.
Sa ngayon, ani Sotto ay wala pang nakikiusap mula sa kampo ng mga nakadetine na humihiling nang kanilang pansamantalang kalayaan ngayon Pasko.
Biro ni Sotto, mayroon namang noche buena ang mga nakakulong sa Senado.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com